Nang muli kong makaharap ang aking kakambal, gimbal ako sa 
sinabi niyang nakatakda akong maaksidente, pagkatapos ng tatlong 
magkakahiwalay na aksidenteng nangyari sa mga taong malalapit sa akin. 
At kasabay ng banta sa buhay ko at sa aking pamilya, natuklasan kong ang
 lahat ng aksidente ay nag-uugnay sa akin at sa lihim na matagal ko nang
 itinatago.
“Alex,” tawag niya sa akin nang pababa na ako ng hagdan ng ospital. 
Labis akong namangha nang lingunin ko siya. Kamukhang-kamukha ko! Ang 
pangangatawan, ang kilos, ang ayos ng buhok, ang pananamit—lahat ay 
katulad sa akin. Isa lang ang naisip ko. Siya ang kakambal kong inilayo 
sa akin ni Papa noong maghiwalay sila ni Mama 20 years ago—si Allan.
Matagal ko siyang tinitigan. “Allan?”
Higit kong ikinagulat ang kanyang isinagot, “Mamamatay ka! 
Maaaksidente ka sa pag-uwi mo!” At pagkasabi niyon ay bigla siyang 
umalis at lumiko sa kasunod na hallway.
Hindi agad ako nakakilos mula sa landing ng hagdan. Shock ako. Ngayon
 ko pa lang uli siya nakita pagkatapos ng matagal na panahon, ni hindi 
pa nga kami nakakapagkumustahan, ganun agad ang kanyang sinabi. Nang 
makabawi ako sa pagkabigla, ay saka ko lamang siya hinabol. “Allan, 
sandali!” Sinundan ko siya sa linikuang hallway, hinanap, subalit hindi 
ko na siya nakita.
Nag-iisip pa rin ako, nang biglang tumawag si Irene—ang asawa ko. 
Nag-aalala siya. Alas nuwebe na nga naman ng gabi’y wala pa ako sa 
bahay, gayong hindi naman iyon kalayuan sa opisinang aking 
pinagtatrabahuhan. Ibinalita rin niyang inatake na naman ng hika si 
Jayson. Si Jayson ang eight-year-old at nag-iisa naming anak ni Irene. 
Sinabi kong pauwi na ako, pero hindi ko sinabing nasa ospital ako.
Account executive ako sa isang advertising agency sa Lipa City, 
Batangas. Pero nandito ako sa San Pablo Doctor’s Hospital dahil dinalaw 
ko ang kaopisina kong si Michelle, na naaksidente apat na araw pa lang 
ang nakakaraan. Bumangga sa concrete barrier hanggang sa tumaob ang 
sinasakyan niyang taxi sa kasagsagan ng Bagyong Falcon. Galing siya no’n
 sa burol ng kaibigang si Andrea, na naaksidente naman isang linggo pa 
lang ang nakakalipas. Isa si Andrea sa mga namatay nang mahulog sa 
bangin ang sinasakyan nitong bus papuntang Baguio. Habang nakaburol pa 
sa bahay nila sa Caloocan si Andrea, si Michelle naman ay comatose pa 
rin sa ospital. At bago umalis doon, nagbilin na ako sa mga nars na 
tawagan agad ako sa oras na magkamalay si Michelle.
Bagamat nakaalis na sa bansa ang bagyo at ang storm signal sa 
Batangas ay ibinaba na ng PAGASA, nanatili pa ring maulan ang panahon. 
Naging sanhi tuloy iyon ng traffic sa ibang lugar na aking dinaanan, 
bagay na ikinatagal pa ng byahe ko pauwi. Kaya naman nang medyo lumuwag 
na ang kalsada, pinaharurot ko ang kotseng aking minamaneho. Nasa isip 
ko pa rin ang sinabi ni Allan. Wierd talaga ang aming muling pagkikita. 
Biglang nag-ring ang aking cellphone. Nang sagutin ko iyon, isang 
masamang balita ang aking natanggap. Si Brix—ang kaibigan kong engineer,
 patay na! Nahulog daw ito kahapon mula sa third floor ng ginagawa 
nilang building sa Ortigas, nadala sa ospital, pero kanina lang din 
namatay na.
Sa dilim ng gabi, at sa buhos ng tubig sa aking windshield, at sa 
sobrang pag-iisip na rin, hindi ko agad napansin ang isang truck na 
bumulaga sa harapan ko. Bumusina ito ng malakas. Nagulat ako. 
Nag-overtake kasi ito sa kasalubong kong sasakyan, kaya’t nagkatapat 
kami sa iisang lane. Nasilaw pa ako sa headlights nito. Magsasalpukan 
kami! Agad kong kinabig ang manibela sa kanan. Sumampa ako sa gutter, at
 kung hindi pa ako nakapreno, mababangga ko na ang poste ng ilaw doon. 
Nang tingnan ko sa side mirror ang truck, nakita kong 10-wheeler pala 
iyon! Muntik na ako! Sumandal ako at hinayaang makahinga. Dama ko pa rin
 ang matinding kabog sa dibdib ko.
Mula sa aking pagkakasandal, natanaw ko ang isang fastfood. Nagpasya 
akong magpainit muna roon. Nagkape ako sa loob at pumuwesto sa may 
bintanang salamin. Nagsimula nang tumila ang ulan sa labas. Nagsimula na
 rin akong marelax. Pero hindi ko pa rin maiwasang mag-isip. Ang 
aksidenteng nangyari kay Brix. Ang kalagayan ni Michelle. Ang pagkikita 
namin ni Allan. At higit sa lahat, ang kanyang premonisyon! Alam niyang 
maaaksidente ako, at muntik nang magkatotoo! Natigil ang aking pag-iisip
 nang biglang mangamoy gas sa loob. Sabay may narinig akong sumigaw, 
“Lumabas kayo! Sasabog tayo!” Agad nag-panic ang mga tao, nagpulasan 
palabas. At ako, bago pa lang makakilos sa pagkakaupo, sumambulat na ang
 bahaging iyon ng kusina. Kasama ang mga basag na salamin, tumilapon ako
 sa lakas ng impact. Pagbagsak ko, may dugong tumagas sa aking ulo... 
Hanggang sa wala na akong maramdaman.
Kinabukasan na ako nagkamalay sa private ward ng Lipa City District 
Hospital. May benda ako sa ulo, at may nakapasak na swero sa aking 
braso. May sugat din ako sa kanang binti. Naroon sina Irene at Jayson, 
at ang kapitbahay naming si Aling Tess. Alalang-alala sila sa akin. Nang
 pansamantalang lumabas ng kwarto sina Jayson at Aling Tess, ikinuwento 
ko kay Irene ang lahat ng nangyari. Mula sa pagkikita namin ni Allan 
(bagama’t hindi ko sinabing sa ospital kami nagkita) hanggang sa naganap
 na pagsabog. At gaya ko, hindi rin siya makapaniwala.
Si Irene ay isang Psychology teacher sa AMA Computer University sa 
Batangas City. Mahilig siyang magbasa ng mga libro tungkol sa behavior 
ng tao. At tama ako, isang premonisyon ang sinabi sa akin ni Allan. Ang 
tanong ay kung bakit nagkaroon siya ng ganoong premonisyon? At kung 
bakit bigla na lamang siyang nawala kagabi? At parang hindi naman 
pagbibigay-babala ang kanyang intensyon, kundi panunumbat na dapat na 
akong mamatay. Alam ni Irene ang tungkol sa aking pamilya. Alam niya 
noon pa na meron akong kakambal, at si Allan nga iyon. Ten years old 
lang kami ni Allan nang maghiwalay ang aming mga magulang, dahil sa 
pambababae ni Papa. Iniuwi ni Papa si Allan sa Mindoro, at wala pang 
isang buwan, isinama na niya ito sa Australia. Ang huling balita namin, 
nag-asawa uli siya roon. Ako naman, naiwan kay Mama. Five years ago, 
nagkasakit at namatay si Mama.
“Paano ka nakakasigurong si Allan ang nakita mo, Alex?” tanong sa akin ni Irene.
“Magkamukhang-magkamukha kami,” sagot ko.
“Pero matagal nang panahon na hindi kayo nagkikita.”
“Hindi ako p’wedeng magkamali, Irene. Siya ‘yon! At galit siya sa akin, gusto niya akong mamatay.”
Naputol lamang ang aming diskusyon nang bumalik na sa kwarto sina 
Jayson at Aling Tess. Silang dalawa ang naiwang nagbantay sa akin, dahil
 umalis din si Irene nang hapong iyon. Ipinagpasalamat kong Linggo 
ngayon at walang pasok si Jayson. Nagkaroon kami ng pagkakataong 
magbonding na mag-ama. Ngayon lang uli nangyari na magkakwentuhan kami 
ng matagal dahil sa pagiging busy ko sa “ibang bagay”. Sabay naming 
pinanuod si Spongebob Squarepants sa TV. At bilang alaala ng bonding na 
iyon, binigay ko sa kanya ang keychain kong Spongebob. Tuwang-tuwa siya,
 paborito nya kasi itong cartoon character. Kinumusta ko rin ang kanyang
 sakit, sabay binigyan ko siya ng tips kung paano ang gagawin sakaling 
sumpungin uli siya ng hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer,” sabi ko sa
 kanya, “importanteng lumabas ka sa open area para sa masmaluwag na 
paghinga.”
Kinailangan ding umuwi nina Aling Tess at Jayson pagsapit ng gabi. 
Naiwan akong mag-isa. Habang hinihintay kong dumating si Irene, 
nakatulog ako. Nang madaling araw na, naalimpungatan ako. Alam kong may 
kasama ako sa kwarto, pero hindi si Irene. Ang kakambal ko! Bigla akong 
napabalikwas ng bangon. “Allan!”
“Dalawang aksidente ang naligtasan mo. Masamang damo ka nga,” sabi niya sa akin.
“Bakit ka ba nagagalit? Ano ba’ng kasalanan ko sa’yo?” asik ko.
“Sa akin, wala. Pero sa pamilya mo, meron!” Pagkatapos ay lumabas 
siya ng kwarto. Ngunit dahil sa nakapasak na swero at sumasakit na 
sugat, hindi ko na siya nagawang sundan.
Pasado alas onse na ng umaga nang payagan akong makalabas ng ospital.
 May plaster pa ang sugat ko sa noo at sa binti. Ipinayo ng doktor na 
magpahinga na lang muna ako sa bahay, pero taliwas doon ang aking 
ginawa. Kumain lang ako at pagkatapos ay pumunta ako sa burol ni Brix sa
 Mandaluyong. Alas kuwatro na nang hapon ako nakarating. Sinalubong agad
 ako ni Myrna, ang asawa ni Brix. Umiiyak siya habang ikinukuwento niya 
ang aksidenteng pagkakahulog ni Brix sa building.
“Paano mo nalaman, Alex?” tanong sa akin ni Myrna nang mahimasmasan.
“Ang alin?” tanong ko.
“Na mamamatay siya.”
Nagulat ako. Wala akong matandaang sinabing gano’n. Hinila ako ni 
Myrna sa video room ng bahay, at ipinapanuod sa akin ang isang video 
mula sa CCTV na may Digital Video Recorder. Kuha iyon sa main office 
nina Brix sa Ortigas isang oras bago siya pumunta sa construction site, 
kung saan siya naaksidente. At namangha ako nang makita ang aking sarili
 sa video, kausap ni Brix. Hindi ako makapaniwala. Paanong mangyayari 
iyon, eh nasa private ward ako ni Michelle during that time? Masyado 
ring malayo ang Ortigas sa Batangas para ratingin ko ng ganun kadali. 
Bigla kong naalala si Allan. Ginaya ako ni Allan para sabihin kay Brix 
ang mangyayaring aksidente? Tatlong beses ko pang inulit ang video. Duda
 akong may kakaiba sa napapanuod ko. Nasa ganoon akong pag-iisip nang 
tumawag ang nars mula sa San Pablo Doctor’s Hospital, nagkamalay na raw 
si Michelle. Nagpaalam na ako kay Myrna na walang malinaw na paliwanag. 
Nag-iwan na lang ako ng kaunting abuloy. Magulong-magulo ang isip ko 
habang nagda-drive pabalik ng Batangas. At nagsimula namang pumatak ang 
ulan.
Gabi na at umuulan pa rin nang dumating ako sa ospital. Ewan ko kung 
bakit, pero nagsisisigaw si Michelle pagkakita sa akin. Takot na takot. 
Inalo ko siya, napakalma sa tulong ng mga nars. At nang makausap ko, 
nagulat na naman ako. Pareho ang kwento niya sa kwento ni Myrna. Nakita 
rin daw niya ako’t nakausap sa burol ni Andrea noong gabing bago siya 
naaksidente. Ganoon din ang kwentong itinawag sa kanya ni Andrea bago 
ito namatay. Nakausap daw ako ni Andrea sa bus terminal at sinabihang 
maaaksidente ito. Iisa lang ang aming kwento! At lahat ay premonisyon ni
 Allan! Pero bakit kami? Anong meron sa amin para sa amin mangyari ang 
mga aksidente? At saka ko natanto ang common denominator nina Andrea, 
Michelle at Brix. Sila, at silang tatlo lang ang tanging nakakaalam ng 
aking lihim!
Pumasok ako sa loob ng banyo, at humarap sa malapad na salamin. 
Parang tumanda ako ng limang taon sa itsura ko. Biglang may nagsalita sa
 likuran ko, “Ano, Alex? Alam mo na?” Lumingon ako’t nakita si Allan. 
Muli, may napansin akong kakaiba sa kanya.
Mula sa pagkakaharap ko sa salamin, nilingon ko si Allan. May 
napansin akong kakaiba sa kanya. At nang magtanong ako, may bahid iyon 
ng galit, “Ano ba talaga ang kailangan mo?”
“Ikaw, Alex! Gusto kong magbayad ka!” Sumbat niya. “Pero kung hindi 
ka mamamatay, pwede nang pambayad ang pamilya mo. Tutal hindi mo naman 
sila kailangan, di ba? Niloloko mo lang sila!”
Hindi na ako nakapagpigil. Sinugod ko siya’t sinakal, “Wag na ‘wag 
mong pakikialaman ang mag-ina ko!” Subalit sumakit ang mga sugat ko. 
Unti-unti ko siyang binitiwan. Siya naman, nagsimulang ngumiti. 
Nakakatakot ang ngiting iyon. Pagkatapos ay humalakhak, habang papalabas
 ng banyo. Para akong kandilang naupos sa sahig. Walang magawa. 
Napatingin ako sa labas ng bintana. Unti-unti nang lumalakas ang ulan. 
Naririnig ko pa rin ang halakhak ni Allan, at ang banta nito sa aking 
pamilya. Bumalikwas ako nang bangon. Mapapahamak sina Irene at Jayson!
Mabilis akong lumabas ng banyo, at nagpaalam kay Michelle. Tinatakbo 
ko na ang hallway palabas ng ospital, habang tumatawag sa bahay. Ring 
lang nang ring ang telepono, walang sumasagot. Walang tao sa bahay! 
Nasaan sina Irene at Jayson? Tiningnan ko ang oras—alas nuwebe na nang 
gabi. Kahit malakas ang ulan, sinuong ko ang parking lot. Agad akong 
sumakay sa kotse ko, at umalis. Tinawagan ko ang cellphone ni Irene. At 
nang sagutin, nawawala-wala pa ang signal niya.
“I’m sorry, Alex. Hindi na ako nakapagpaalam sa’yo. Nakasakay ako 
ngayon sa ferry boat pabalik ng Batangas Pier,” sagot ni Irene. 
Paputol-putol pa ang aming pag-uusap dahil sa hirap ng signal. “Galing 
ako sa mga relatives ni Papa sa Calapan. Patay na pala si Allan. Nasa 
Japan siya, at kasamang namatay sa lindol doon noong March 11.”
Natigilan ako. Pansamantalang nalungkot sa masamang balita. Pero 
higit pa roon, nakakapagtakang nakikita ko’t nakakausap dito si Allan. 
Nagmumulto ba siya?
“Si Jayson, iniwan ko muna kay Aling Tess,” patuloy ni Irene. “Don’t 
worry, alam na ni Aling Tess ang gagawin sakaling sumpungin uli siya ng 
hika.”
Gusto kong magalit kay Irene sa pagpunta niya sa Mindoro. Pero nand’yan na eh, wala na akong magagawa. “Pupuntahan kita d’yan.”
“’Wag na, Alex. Masama ang panahon.” Dinig ko sa cellphone ang ingay 
ng malakas na hangin at malalaking alon. Sabay nawala na naman ang 
signal niya. Lalo pa akong kinabahan.
Mabilis ang paharurot ko sa sasakyan, kahit maulan at alam kong  
madulas ang kalsada. Importanteng masundo ko si Irene bago pa lang may 
mangyaring masama sa kanya. Habang nasa daan, tinawagan ko naman si 
Aling Tess sa bahay nito. Kinumusta ko si Jayson. Pagkatapos ay 
binilinan ko ang matanda, “’Wag nyo pong palalabasin si Jayson kahit na 
anong mangyari. Susunduin na lang po namin sya d’yan mamaya.”
10:15 na nang gabi, at malapit na ako sa pier nang biglang tumawag si
 Irene. Sumisigaw siya, “Alex, lumulubog kami! Lumulubog kami!” Dinig ko
 ang sigawan ng iba pang pasahero ng ferry boat, may mga nagdadasal at 
may mga nag-iiyakan. Pagkatapos no’n, tumunog na ang cellphone ko. 
Lowbat! Nagpanic na ako sa loob ng sasakyan. Nangilid ang luha ko, sabay
 nagdasal, “Diyos ko, ‘Wag po ang pamilya ko...”
Ilang minuto pa at narating ko ang pier. Nagkakagulo ang mga tao. 
Mabilis akong bumaba ng sasakyan, hindi alintana ang ulan. Pumuslit ako 
sa gwardya hanggang makarating ako sa mismong daungan. Mula roon, tanaw 
ko ang lumulubog na ferry boat. Tatlong motorboat ang nagpapabalik balik
 para ihatid sa pampang ang mga pasahero. Natataranta kong hinanap si 
Irene sa karamihan ng mga tao. Ang ibang pasahero’y doon na binigyan ng 
first aid. Ang iba nama’y dinala sa clinic. Hindi ko pa rin makita si 
Irene. Muli akong lumabas at tinanaw ang barko. Lubog na sa dagat ang 
kalahati nito. Naiiyak akong isipin na na-trap si Irene sa loob niyon.
Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Pumasok ako sa administration 
building ng pier at doon naghanap. Sa isang maliit na private office,  
nakita ko si Irene. Bakas sa mukha ang trauma ng aksidente. Binigyan 
siya ng damit ng isang female crew, at doon nagbihis. “Alex!” agad niya 
akong niyakap nang mahigpit pagkakita sa akin. “I’m sorry.”
“It’s okay,” bulong ko. “Ang importante, ligtas ka na.”
Glass ang pinto ng opisinang iyon. Mula sa loob, tanaw namin ni Irene
 ang hallway patungo sa iba pang area ng administration building. At 
tanaw din namin ang isang pamilyar na lalaking nakatayo sa gitna niyon. 
Nakangiti. Nakakatakot na ngiti. Si Allan! Si Irene ang dahan-dahang 
lumapit sa pinto para mapagmasdan siyang mabuti. Kinabahan na naman ako.
 “Nakikita mo siya?” tanong ko.
Tumango siya. Pagkatapos ay biglang napaurong sa takot. “Tingnan mo siya, Alex.”
“Bakit?” Tumingin ako.
“Wala siyang anino!” sagot ni Irene.
Kasunod niyon, na-realize ko kung ano ang kakaiba sa video na 
napanuod ko kina Myrna. Wala ring anino si Allan doon habang kausap si 
Brix. At pati ang kakaiba sa kanya sa banyo ng ward ni Michelle, alam ko
 na. Wala siyang reflection sa salamin!
Nakita naming tumalikod na si Allan at naglakad na palayo. May naiwan
 siyang kung anong bagay sa sahig. Halos hindi kami kumukurap. Maliwanag
 ang hallway kaya sigurado kami—wala talaga siyang anino! Nagmumulto si 
Allan!
Pero higit pa roon ang naging reaksyon ni Irene, “Oh my God!”
“Bakit?” tanong ko.
“Hindi siya si Allan, Alex!”
Muli akong tumingin. Paano sasabihin ni Irene na hindi siya ang 
kakambal ko gayong kamukhang kamukha ko siya. “Kung hindi siya si Allan,
 sino siya?”
“Ikaw!” sagot niya. “Ikaw siya!”
“A-ako?!” Kinilabutan ako.
All this time, hindi pala si Allan ang nakikita ko, kundi ako rin! 
Ako mismo! Nakikita ko ang sarili kong multo! Biglang dumilim ang buong 
paligid. Brownout! Nagsigawan ang mga tao sa labas. Napakapit nang 
mahigpit sa bisig ko si Irene. Sabay na-realize ko kung ano ‘yung naiwan
 ni “Allan” sa sahig—ang Spongebob keychain na binigay ko kay Jayson! 
Isang masamang pangitain iyon para sa anak ko!
Nag-brownout pa nang mga sandaling iyon. Kaya sa pamamagitan ng 
liwanag na nagmumula sa cellphone ni Irene, tinahak namin ang madilim na
 daan pabalik sa sasakyan. Nagmamadali kaming sumakay at umalis. 
Nanganganib ang buhay ni Jayson at kailangan namin siyang masundo bago 
pa mahuli ang lahat. Humina na ang ulan. Madilim sa paligid dahil sa 
kawalan ng ilaw sa mga poste at kabahayan.
“’Yung nakita natin kanina, anong ibig sabihin non?” tanong ko, habang nagda-drive. Magkatabi kami ni Irene sa sasakyan.
“Doppelganger, Alex,” sagot niya. “Siya ang sarili mo, na naghahatid 
ng masamang pangitain sa’yo. Si Percy Bysshe Shelley, isang manunulat, 
namatay siya matapos niyang makita ang kanyang doppelganger sa 
panaginip. Lumubog ang sinasakyan niyang bangka at nalunod ilang araw 
bago ang kanyang 30th birthday noong 1822. Si US President Abraham 
Lincoln, nakita rin ang kanyang doppelganger sa salamin. Namatay siya sa
 kanyang assassination noong Good Friday nang taong 1865. Kamatayan ang 
kadalasang hatid ng isang doppelganger, Alex. Kung minsan, hindi lang 
para sa sarili kundi pati na rin sa mga mahal sa buhay.”
Natakot ako. “I’m sorry, Irene. Kasalanan kong lahat ito.”
Tumingin sa akin si Irene. Nakita ko rin ang takot sa kanyang mga mata.
“Matagal na akong nagtataksil sa’yo, Irene. Apat na taon na kaming 
may relasyon ni Michelle, at sina Brix at Andrea lang ang nakakaalam. 
Napahamak din sila nang dahil sa akin,” pumatak ang luha ko. “Tumulad 
ako kay Papa na hindi napanindigan ang pagiging mabuting ama at asawa. 
Iyon ang dahilan kung bakit dinadalaw ako ng sarili kong multo. Ngayon, 
nasa panganib ang buhay ni Jayson, at hindi ko mapaptawad ang sarili ko 
pag may nangyaring masama sa kanya...”
Matagal bago yumakap sa braso ko si Irene. Pinatawad niya ako. “Hindi pa huli ang lahat, Alex. May panahon pa.”
Biglang nag-ring ang cellphone ni Irene. Si Aling Tess ang tumawag. 
Nasusunog daw ang bahay nila at na-trap sila ni Jayson sa loob. At para 
namang nananadya, tumigil ang buhos ng ulan. Lalo ko pang pinabilis ang 
sasakyan. Pumapatak pa rin ang luha ko, sising-sisi sa mga nangyayari. 
Sana nga, may panahon pa.
Nasa third alarm na ang sunog nang dumating kami. Halos 70 percent na
 ng bahay ang natupok, at malakas pa rin ang apoy. Hirap ang mga bumbero
 na apulahin ito. Taranta na rin ang iba pang kapitbahay. Umiiyak na si 
Irene. Alam kasi niyang madaling atakehin ng hika si Jayson lalo na’t 
usok ang nalalanghap nito. May isang oras nang nasusunog ang bahay, at 
sa pagkakataong ito, kung ‘di man sunog na ang katawan ng bata, malamang
 mamatay rin ito sa kahirapang huminga. At ‘yon ang hindi ko kayang 
tanggapin. Kaya naman, sumabay ako sa pagpasok ng tatlong bombero sa 
nasusunog na bahay. Sa ground floor pa lang, hindi na agad kami 
magkakitaan dahil sa kapal ng usok. Nagkalat na rin ang mga bumagsak na 
bahagi ng bahay. Agad kong hinanap si Jayson. Tupok na ang sala at 
kusina. Ang kwarto sa ibaba ay kasalukuyang nilalamon ng apoy. Kinuha ko
 ang kumot doon at binasa sa katabing banyo. Naging proteksyon ko iyon 
sa apoy, pero nagsimula namang dumugo ang sugat ko sa binti.
“Jayson!” tawag ko, sabay akyat sa second floor. Nakakalat na rin 
doon ang apoy. Pinasok ko ang unang kwarto, nakita kong nakahandusay si 
Aling Tess, hawak pa sa isang kamay ang cellphone na ginamit niyang 
pantawag kay Irene. Na-suffocate na siya sa usok.  Isang bumbero ang 
pumasok doon, at siyang bumuhat sa matanda. Hinanap ko si Jayson sa 
buong kwarto, subalit wala akong nakita kundi mga nagliliyab na gamit. 
Nasaan na si Jayson? Paglabas ko ng kwarto, nakaramdam ako ng matinding 
sakit sa binti. Tumatagas na ang dugo sa sugat ko. Pipilay-pilay akong 
pumasok sa pangalawang kwarto. Wala rin doon ang bata.
“Jayson....” Unti-unti akong nawalan ng pag-asa. Kung si Alimg Tess, 
nawalan na ng malay dahil sa kapal ng usok, malamang patay na ngayon ang
 bata. Umiyak ako habang inaalala ang naging bonding namin sa ospital. 
Sabay, sumagi sa isip ko ang mga tips ko sa kanya kapag inatake uli ng 
hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer, importanteng lumabas ka sa open 
area para sa masmaluwag na paghinga.” Open area! Nasa open area si 
Jayson!
Kahit duguan na ang binti ko, tumakbo uli ako at naghanap ng open 
area. Terrace. Balcony. Lanai. Pero wala akong nakita. Minsan ko nang 
napasok ang bahay na ito, at ang natatandaan kong open area na meron ito
 ay ang garden at playground sa ibaba.
...At ang roof deck sa itaas! Tama! Nasa roof deck si Jayson! Mabilis
 kong hinanap ang hagdan paakyat. Pagpanhik ko’y agad din itong bumigay.
 Wala na akong dadaanan pababa. Sa roof deck, naroon nga ang anak ko! 
Mahigpit niya akong niyakap. Umiiyak. Sorry ako nang sorry sa kanya. 
Nang may marinig uli akong bumagsak, doon lang ako parang natauhan. 
Kailangan na naming makaalis bago pa tuluyang gumuho ang bahay. Sumampa 
kami sa balustrade ng roof deck, at tumalon sa ibabaw ng bubong. 
Dahan-dahan kaming tumulay hanggang sa parteng kita na kami ng mga 
bumbero sa ibaba. Nagsigawan ang mga tao sa labas nang makita kami. Agad
 ding kumilos ang mga bumbero sa firetruck. Sa pamamagitan ng ladder 
nito, naibaba kami sa ligtas na lugar. Sinalubong kami ng umiiyak na si 
Irene.
Madaling araw na nang ideklarang fire out ang sunog, pero halos wala 
nang natira sa bahay ni Aling Tess. Ipinagpasalamat na lang niya na 
siya’y nakaligtas rin. Muling ginamot ang sugat ko sa ospital. Pati na 
ang kalusugan ni Jayson ay tiningnan. Pagkatapos ng ilang araw, gumaling
 si Michelle. Tinapos ko na ang relasyon sa kanya. Naintindihan naman 
niya iyon, at siya na rin ang kusang lumayo. Dinalaw ko ang puntod nina 
Brix at Andrea upang humingi ng tawad. Pansamantala rin akong nag-leave 
sa aking trabaho para bumawi sa aking mag-ina. Nagbakasyon kami sa 
Singapore. Mula noon, hindi na nagpakita sa akin ang aking “kakambal”.
DOPPELGANGER. It can be the ghost of a living person
 or any other sort of physical double. The idea of a doppelganger is 
sometimes similar to that of an “evil twin”. The doppelganger may be 
ghostly or appear in the flesh. It causes mischief by confusing friends 
and relatives. Seeing one’s own doppelganger is considered very bad 
luck, often heralding death or serious illness of the doppelganger’s 
original.