Lahat ng bagay sa mundo ay umiinog sa ilalim ng kapangyarihan ng Kataastaasang Dios, lahat ng dimension ay kanyang nasasaklawan... lahat ng nilalang dito sa mundo natin at sa iba pang mundo tanging sa DIOS lamang nagmula... Kung TAO lang ang tinatangi ng DIOS at ang ibang NILALANG ay hindi, sana ay siya na mismo ang kusang gumunaw o pumuksa sa kanila... buksan natin ang ating kamalayan kung bakit ang mga nilalang sa dako paroon ng mga imortal at nanatili pa rin hanggang sa ngayon...

Ang atin pong BLOG ay walang pinapanigan na relihiyon, sekta man o kongregasyon, dito po ay talakayan lamang at bahaginan ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa KABABALAGHAN - ang mga sitas na hango sa mga itinutiring nating banal na kasulatan kung gamitin man sana ay makatulong para sa kaliwanagan ng kaisipan ng bawat isa at hindi maging daan ng ano mang pagtatalo, tayo po ay malaya na maniwala sa kung ano mang pinaniniwalaan natin, subalit huwag nating isipin na tayo na ang nakakaalam ng BUONG KATOTOHANAN sapagkat hindi tayo naging saksi sa mga totoong pangyayari ng UNA, kung ano mang realization na nakamit natin sa ating buhay sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasaliksik ito po ay ating pagyamanin at gamitin sa mabuting pakikipag-kapwa-tao...


- Taong Lipod

Friday, November 29, 2013

Tula sa Gabi ng Pagbubukas ng Mundos Espiritus

Tula sa Gabi ng Pagbubukas ng Mundos Espiritus
Bro. Noel Sales Barcelona

Sa pagnipis ng pagitan,
ng mundo Niyo at namin --
Hayaang mahawan
Daan ng Luningning.

Kung lukuban man
Pangitain ng Dilim--
Hayaang pagmamahal
Ang maging ilaw namin...

Sa pagbubukas ng Lagusan
ng mundo ng imortal--
Hayaang magkapisan
Tao't Ibang Nilalang.

Gabi ng Lagim,
Gabi ng Lakas --
Gabing salamisim
ng pagkakatuklas

Ganap o kulang
Hayaan na lamang --
Pagkat gayon nga
Ang takdang kahatulan...

Sa pagsapit ng Gabi
Gabing pagbubukas
Hayaan ngang masagi
ng mata ang hinagap...

Gabi nga itong susubok
Sa sampalatayang gapok -
Mayroong Aral na Dulot
Ang gabi ng mga takot:

Sa pagsuko sa guniguni,
Sa pagbangon sa muni --
Mahahagip ngang iwi
Isang totoong di maitanggi --

May mundo pang umiiral
Maliban sa daigdigan
At doon ang kaganapan
lahat ay kababalaghan!

Wednesday, August 28, 2013

ZOMBIE

Ang sentro ng mundo ng mga "zombie" ay ang isla ng Hispaniola, sa kanlurang bahagi ng Indies. Marami sa mga manggagawa dito sa mga taniman ang naniniwala sa mga "BOKORS" ito ay mangkukulam na may kakayahan na buhayin ang mga namatay nilang mahal sa buhay subalit walang sariling isip at mistulang mga puppet. Ang mga biktima ay ginagawang alipin ng "bokors". Ang ideyang Carribean patungkol sa mga zombie ay may katotohanan, at ang mga zombie na ito ay makikitang naglalakad-lakad sa mga daan sa iba't-ibang panig ng isla.  Ilan sa mga ito ay mga yumaong miyembro ng kanilang pamilya o mga kaibigan na naging zombie,upang maiwasang mangyari ang ganito ang ilan sa mga namamatayan sa nasabing lugar ay nilalagyan nila ng mabibigat na bato ang himlayan ng kanilang mga mahal sa buhay, upang hindi sila manakaw ng mga bokors. Ayon din sa nabasa ko noong high school pa ako, yong iba naman ay nabibilitang putulin ang paa ng yumao ng sa gayon hindi na pag-interesan pa ng mga bokors.

Ang katotohanang ito ay sadyang nakakatakot, kahit na hindi naman ito ginagamitan ng kapangyarihan na galing sa ibang mundo. Ayon sa mga ekspertong psychiatrist kanilang sinasabi na ang mga taong natataguriang zombie sa alamat ng Haiti ay merong seryosong karamdaman na may kaugnayan sa pag-iisip. Sangayon naman sa ilang komentarista kanilang sinasabi na ang ideya ng zombie ay ang simpleng paraan upang ipaliwanag ang mga taong wala sa normal na kondisyon. Pinaniniwalaan rin na ang paggamit ng natural na katutubong sangkap ay nagagawa ng mga bokors na magkaroon ng ganitong karamdaman ang kanilang biktima.

Gamit ang kemikal na tinatawag na "tetrodoxin", na natatagpuan sa isdang butete (puffer fish), ang biktima ng bokor ay magkakaroon ng matinding pagkaparalisa. Kung saan aakalain ng kanyang kapamilya na siya ay patay na, at ito ay kanilang ililibing. Ang kakulangan ng oksihino (oxygen) sa loob ng kabaong ay magiging dahilan upang magkaroon ng depekto sa utak, at kapag dumating na ang bokor para kunin ang bangkay, ang biktima ay bibigyang lunas gamit ang substansya na tinatawag na "datura stramonium" o "zombie cucumber" na isang uri ng droga na komokontrol ng kaisipan. Ang ibang lason, na matatagpuan sa palaka sa tubuhan (cane toad), ay pwedeng i-extract na magsisilbing "hallucinogens" at "anaesthetics" sa biktima. Ito ay magdadala sa kanila sa permaninteng pagkawala sa sarili (trance), at hindi makakaramdam ng anumang pisikal na sakit, at higit sa lahat ay isang banta sa mga tao sapagkat nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng bokors.

Wednesday, February 27, 2013

INCUBUS

Espiritu ng demonyo na nagpapakita sa panaginip o bangungot ng mga babae, at ito'y nakikipagtalik.

ITIM NA PUSA (OMEN OF THE BLACK CAT)

Ang itim na pusa ay pinaniniwalaang naghahatid ng kamalasan. Ang paniniwala ukol sa itim na pusa ay nanatiling laganap pa sa rin saan mang dako ng mundo.

Hindi kasali ang mga pantahanang pusa (domisticated cat) sa pinahihiwatig ng itim na pusa.

Sinasabi na ang itim na pusa ay isang pagbabalatkayo ng mga mangkukulam sangayon sa aklat na BEWARE OF THE CAT (1584) panahong medieval. Binabanggit sa aklat na porke't napatay mo ang pusa ay mamatay na rin ang mangkukulam, sapagkat ang mangkukulam katulad ng pusa ay merong siyam na buhay, sabi pa sa aklat.


Hindi lamang sa Pilipinas at India tinuturing na may hatid na malas ang itim na pusa, kundi maging sa ibang panig pa ng mundo.Sa Anatolia (lugar sa Turkey), pinaniniwalaang malaking kamalasan ang daranasin ng isang taong patay kapag ang pusa ay tumalon sa ibabaw ng kabaong, hindi raw mabubulok ang bangkay at magiging dahilan ito upang hindi makarating ng langit ang kaluluwa ng namatay. Sangayon kay Cornelius Agrippa (German Occultist), sa Salvonia, may paniniwalang kapag ang babae ay pumatay ng itim na pusa sa gabi ng New Moon, at itoy naipakain sa lalaking kanilang napupusoan, walang duda na mapapaibig nila ito.
1. Kapag ang pusa ay humarang sa daraan ng isang tao habang ito ay papunta sa trabaho, nagpapahiwatig ito ng isang suliranin o walang kapupuntahan ang kanyang pagpapagod.

2. Kamalasan ang hatid sa paglalakbay, kapag ang pusa ay lumikha ng huni na walang anumang pagkain sa bibig nito.

3. Kapag ang pusa ay humarang sa iyong daraanan, ito ay pagpapahiwatig ng kamalasan sa iyong paglalakbay.

4. Kung ang isang indibidwal ay nasa paglalakbay at nakakita ng pusa sa kaliwang bahagi ng daraanan, sinasabing may hatid rin na kamalasan.

5. Kapag ang pusa ay nahulog sa isang taong natutulog ito ay may hatid na kamalasan, nagpapahiwatig ito ng kamatayan o malubhang karamdaman.

6. Hindi rin magandang pangitain kung ang pusa ay umaamoy-amoy sa paa.

LYCANTHROPY

Ang pagpapalit anyo bilang hayop mula sa pagiging tao. Ang paniniwalang ito ay sinauna pa. Ang termino ay hango sa salitang Griyego na "lukos", tumutukoy sa lobo, at "anthropos", na tumutukoy sa tao, subalit ito ay tumutukoy sa pagpapalit anyo bilang isang hayop. Ito ay karaniwan sa mga bansa na merong mga lobo, makikita ito sa mga kwentong patungkol sa kanila. Ngunit sa India at sa iba pang parte ng Asya, ang tigre ang siyang kapalit ng lobo. Sa Russia naman at sa iba pang lugar ay Oso, at sa Africa naman ay leopardo.

DIWATA

Sa mitolohiyang Pilipino, ang Diwata ay isang katauhan na katulad ng mga engkanto (fairies) o nimpa (nymph). Sinasabing naninirahan sila sa mga puno, katulad ng akasiya at balete at tagapagbantay ng ispiritu ng kalikasan, na nagdadala ng pagpapala o sumpa sa mga taong nagbibigay ng benipisyo o pinsala sa mga gubat at mga bundok. Ito ang baybay Filipino ng Sanskrit na salitang devadha, ngunit hinango sa kahuli-hulihan sa salitang Sanskrit na dev, nangangahulugang diyos.

KAPRE

Sa mitolohiya ng Pilipinas, ang kapre ay isang higanteng mabalahibo at mahilig sa tabako at kadalasan nagpapakita mula sa puno ng balete. Kilalang hindi agresibo at tahimik.
Ang Kapre (na kilala rin sa tawag na Agta, sa mga Bisaya) ay isang masamang espiritu o halimaw na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Ang mga kapre ay pinaniniwalaang kawangis ng isang lalaki na may kakaibang tangkad dahil na rin sa mahahaba nitong mga binti, mahabang buhok at karaniwang napagkikitang nakaupo sa mga sanga ng malalaking puno habang naninigarilyo. Madalas na nakikita ang kapre na naghihintay ng mga taong daraan upang takutin ang mga ito. Mahilig ang kapre sa paninigarilyo, pag-inom at pagsusugal. Ihinahalintulad rin ito sa “bigfoot” na kilala sa Hilagang Amerika, ngunit mayroon itong katangian na mas malapit sa tao.

Ang salitang kapre ay hinango sa Espanyol na salitang “kapfre”, na dating ginamit bilang katawagan sa mga muslim. Hinango rin ito sa salitang “kaffir” na ginagamit bilang tawag sa taong hindi naniniwala sa Islam. Unang ginamit ng mga Arabo ang katagang kaffir bilang pagtawag sa mga taong hindi naniniwala as Islam at di maglaon ay nadala ang salita as Pilipinas noong dumating ang mga Espanyol na nakasalamuha ang mga nasabing Arabo.

TIRAHAN
Sinasabing nakatira ang mga kapre sa malalaking puno tulad ng balete, acacia, o mangga. Pinaniniwalaang nakikita lamang ang mga ito tuwing gabi, habang nakaupo sa sanga ng puno at hinihithit ang sigarilyong hindi nauubos. Minsan ay maaari rin silang makitang nakaupo sa ilalim ng puno. Marami ang nagsasabing katha lamang ang kapre ng malawak na imahinasyon ng tao, ngunit mayroon na rin na nagsasabi, lalo na sa mga liblib na parte ng mga probinsya na totoo ang mga ito.

ANYO
Ang kapre ay kadalasang inilalarawan na may taas na aabot sa pito hanggang siyam na talampakan, maitim at maraming buhok sa mukha at katawan at nakasuot ng bahag. Mayroon itong malaking mata, matatalas na ngipin, mahahabang kuko at mga binti na kasing-laki ng katawan ng puno.

URI
Tama – Ang uri na ito ng kapre ay kilala sa mga kwento ng mga Manobo. Isa itong higante na umaakit sa mga nais nitong biktimahin. Sinasabing ang mga ito ay nakatira sa puno ng Balete. Apila at Mandayangan – Ang mga uri na ito ng kapre ay pinaniniwalaang mga higante na nilalabanan ang isa't isa ngunit hindi mapanganib sa mga tao. Mangaluk – Isa itong higanteng halimaw sa kagubatan na karaniwang inilalarawan bilang isang nilalang na kawangis ng isang tao, maitim at may mga pakpak at mahahabang kuko.

MGA PANINIWALA
Maraming paniniwala ang mga tao tungkol sa kapre, lalo na ang mga naninirahan sa mga liblib na pook ng mga probinsya. Kabilang na dito ang kaisipang kapag mayroong maliwanag na bagay sa gitna ng kagubatan ay naroon ang kapre. Pinaniniwalaan din naman na mababait ang mga kapre at hindi nananakit ng mga tao kung hindi sila gagambalain o gagawan ng masama. Dapat rin humingi ng pahintulot sa pagdaan sa tabi ng malalaking puno at magsabi ng “tabi tabi po” upang hindi magambala ang kapre.

UGALI
Maraming kwento na ang nagpasalin-salin sa iba't ibang lugar at panahon tungkol sa ginagawa ng mga kapre sa mga tao. Pinaniniwalaang may kakayahan ang kapre na ilipat ang kama ng isang tao habang natutulog ito papunta sa isang sanga ng puno. Mayroon din silang kakayahan na iligaw ang mga tao sa bundok o kagubatan. Ilang mga saksi na rin ang nagsabi na nakakita na sila ng pagyanig ng puno at pagbagsak ng mga dahon kahit walang malakas na hangin. Sinasabi ring mayroong nakakarinig ng pagtawa ng kapre sa mga lugar na malapit sa pinaniniwalaang tinitirahan nito.



Source:
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Kapre