Lahat ng bagay sa mundo ay umiinog sa ilalim ng kapangyarihan ng Kataastaasang Dios, lahat ng dimension ay kanyang nasasaklawan... lahat ng nilalang dito sa mundo natin at sa iba pang mundo tanging sa DIOS lamang nagmula... Kung TAO lang ang tinatangi ng DIOS at ang ibang NILALANG ay hindi, sana ay siya na mismo ang kusang gumunaw o pumuksa sa kanila... buksan natin ang ating kamalayan kung bakit ang mga nilalang sa dako paroon ng mga imortal at nanatili pa rin hanggang sa ngayon...

Ang atin pong BLOG ay walang pinapanigan na relihiyon, sekta man o kongregasyon, dito po ay talakayan lamang at bahaginan ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa KABABALAGHAN - ang mga sitas na hango sa mga itinutiring nating banal na kasulatan kung gamitin man sana ay makatulong para sa kaliwanagan ng kaisipan ng bawat isa at hindi maging daan ng ano mang pagtatalo, tayo po ay malaya na maniwala sa kung ano mang pinaniniwalaan natin, subalit huwag nating isipin na tayo na ang nakakaalam ng BUONG KATOTOHANAN sapagkat hindi tayo naging saksi sa mga totoong pangyayari ng UNA, kung ano mang realization na nakamit natin sa ating buhay sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasaliksik ito po ay ating pagyamanin at gamitin sa mabuting pakikipag-kapwa-tao...


- Taong Lipod

Friday, November 29, 2013

Tula sa Gabi ng Pagbubukas ng Mundos Espiritus

Tula sa Gabi ng Pagbubukas ng Mundos Espiritus
Bro. Noel Sales Barcelona

Sa pagnipis ng pagitan,
ng mundo Niyo at namin --
Hayaang mahawan
Daan ng Luningning.

Kung lukuban man
Pangitain ng Dilim--
Hayaang pagmamahal
Ang maging ilaw namin...

Sa pagbubukas ng Lagusan
ng mundo ng imortal--
Hayaang magkapisan
Tao't Ibang Nilalang.

Gabi ng Lagim,
Gabi ng Lakas --
Gabing salamisim
ng pagkakatuklas

Ganap o kulang
Hayaan na lamang --
Pagkat gayon nga
Ang takdang kahatulan...

Sa pagsapit ng Gabi
Gabing pagbubukas
Hayaan ngang masagi
ng mata ang hinagap...

Gabi nga itong susubok
Sa sampalatayang gapok -
Mayroong Aral na Dulot
Ang gabi ng mga takot:

Sa pagsuko sa guniguni,
Sa pagbangon sa muni --
Mahahagip ngang iwi
Isang totoong di maitanggi --

May mundo pang umiiral
Maliban sa daigdigan
At doon ang kaganapan
lahat ay kababalaghan!

Wednesday, August 28, 2013

ZOMBIE

Ang sentro ng mundo ng mga "zombie" ay ang isla ng Hispaniola, sa kanlurang bahagi ng Indies. Marami sa mga manggagawa dito sa mga taniman ang naniniwala sa mga "BOKORS" ito ay mangkukulam na may kakayahan na buhayin ang mga namatay nilang mahal sa buhay subalit walang sariling isip at mistulang mga puppet. Ang mga biktima ay ginagawang alipin ng "bokors". Ang ideyang Carribean patungkol sa mga zombie ay may katotohanan, at ang mga zombie na ito ay makikitang naglalakad-lakad sa mga daan sa iba't-ibang panig ng isla.  Ilan sa mga ito ay mga yumaong miyembro ng kanilang pamilya o mga kaibigan na naging zombie,upang maiwasang mangyari ang ganito ang ilan sa mga namamatayan sa nasabing lugar ay nilalagyan nila ng mabibigat na bato ang himlayan ng kanilang mga mahal sa buhay, upang hindi sila manakaw ng mga bokors. Ayon din sa nabasa ko noong high school pa ako, yong iba naman ay nabibilitang putulin ang paa ng yumao ng sa gayon hindi na pag-interesan pa ng mga bokors.

Ang katotohanang ito ay sadyang nakakatakot, kahit na hindi naman ito ginagamitan ng kapangyarihan na galing sa ibang mundo. Ayon sa mga ekspertong psychiatrist kanilang sinasabi na ang mga taong natataguriang zombie sa alamat ng Haiti ay merong seryosong karamdaman na may kaugnayan sa pag-iisip. Sangayon naman sa ilang komentarista kanilang sinasabi na ang ideya ng zombie ay ang simpleng paraan upang ipaliwanag ang mga taong wala sa normal na kondisyon. Pinaniniwalaan rin na ang paggamit ng natural na katutubong sangkap ay nagagawa ng mga bokors na magkaroon ng ganitong karamdaman ang kanilang biktima.

Gamit ang kemikal na tinatawag na "tetrodoxin", na natatagpuan sa isdang butete (puffer fish), ang biktima ng bokor ay magkakaroon ng matinding pagkaparalisa. Kung saan aakalain ng kanyang kapamilya na siya ay patay na, at ito ay kanilang ililibing. Ang kakulangan ng oksihino (oxygen) sa loob ng kabaong ay magiging dahilan upang magkaroon ng depekto sa utak, at kapag dumating na ang bokor para kunin ang bangkay, ang biktima ay bibigyang lunas gamit ang substansya na tinatawag na "datura stramonium" o "zombie cucumber" na isang uri ng droga na komokontrol ng kaisipan. Ang ibang lason, na matatagpuan sa palaka sa tubuhan (cane toad), ay pwedeng i-extract na magsisilbing "hallucinogens" at "anaesthetics" sa biktima. Ito ay magdadala sa kanila sa permaninteng pagkawala sa sarili (trance), at hindi makakaramdam ng anumang pisikal na sakit, at higit sa lahat ay isang banta sa mga tao sapagkat nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng bokors.

Wednesday, February 27, 2013

INCUBUS

Espiritu ng demonyo na nagpapakita sa panaginip o bangungot ng mga babae, at ito'y nakikipagtalik.

ITIM NA PUSA (OMEN OF THE BLACK CAT)

Ang itim na pusa ay pinaniniwalaang naghahatid ng kamalasan. Ang paniniwala ukol sa itim na pusa ay nanatiling laganap pa sa rin saan mang dako ng mundo.

Hindi kasali ang mga pantahanang pusa (domisticated cat) sa pinahihiwatig ng itim na pusa.

Sinasabi na ang itim na pusa ay isang pagbabalatkayo ng mga mangkukulam sangayon sa aklat na BEWARE OF THE CAT (1584) panahong medieval. Binabanggit sa aklat na porke't napatay mo ang pusa ay mamatay na rin ang mangkukulam, sapagkat ang mangkukulam katulad ng pusa ay merong siyam na buhay, sabi pa sa aklat.


Hindi lamang sa Pilipinas at India tinuturing na may hatid na malas ang itim na pusa, kundi maging sa ibang panig pa ng mundo.Sa Anatolia (lugar sa Turkey), pinaniniwalaang malaking kamalasan ang daranasin ng isang taong patay kapag ang pusa ay tumalon sa ibabaw ng kabaong, hindi raw mabubulok ang bangkay at magiging dahilan ito upang hindi makarating ng langit ang kaluluwa ng namatay. Sangayon kay Cornelius Agrippa (German Occultist), sa Salvonia, may paniniwalang kapag ang babae ay pumatay ng itim na pusa sa gabi ng New Moon, at itoy naipakain sa lalaking kanilang napupusoan, walang duda na mapapaibig nila ito.
1. Kapag ang pusa ay humarang sa daraan ng isang tao habang ito ay papunta sa trabaho, nagpapahiwatig ito ng isang suliranin o walang kapupuntahan ang kanyang pagpapagod.

2. Kamalasan ang hatid sa paglalakbay, kapag ang pusa ay lumikha ng huni na walang anumang pagkain sa bibig nito.

3. Kapag ang pusa ay humarang sa iyong daraanan, ito ay pagpapahiwatig ng kamalasan sa iyong paglalakbay.

4. Kung ang isang indibidwal ay nasa paglalakbay at nakakita ng pusa sa kaliwang bahagi ng daraanan, sinasabing may hatid rin na kamalasan.

5. Kapag ang pusa ay nahulog sa isang taong natutulog ito ay may hatid na kamalasan, nagpapahiwatig ito ng kamatayan o malubhang karamdaman.

6. Hindi rin magandang pangitain kung ang pusa ay umaamoy-amoy sa paa.

LYCANTHROPY

Ang pagpapalit anyo bilang hayop mula sa pagiging tao. Ang paniniwalang ito ay sinauna pa. Ang termino ay hango sa salitang Griyego na "lukos", tumutukoy sa lobo, at "anthropos", na tumutukoy sa tao, subalit ito ay tumutukoy sa pagpapalit anyo bilang isang hayop. Ito ay karaniwan sa mga bansa na merong mga lobo, makikita ito sa mga kwentong patungkol sa kanila. Ngunit sa India at sa iba pang parte ng Asya, ang tigre ang siyang kapalit ng lobo. Sa Russia naman at sa iba pang lugar ay Oso, at sa Africa naman ay leopardo.

DIWATA

Sa mitolohiyang Pilipino, ang Diwata ay isang katauhan na katulad ng mga engkanto (fairies) o nimpa (nymph). Sinasabing naninirahan sila sa mga puno, katulad ng akasiya at balete at tagapagbantay ng ispiritu ng kalikasan, na nagdadala ng pagpapala o sumpa sa mga taong nagbibigay ng benipisyo o pinsala sa mga gubat at mga bundok. Ito ang baybay Filipino ng Sanskrit na salitang devadha, ngunit hinango sa kahuli-hulihan sa salitang Sanskrit na dev, nangangahulugang diyos.

KAPRE

Sa mitolohiya ng Pilipinas, ang kapre ay isang higanteng mabalahibo at mahilig sa tabako at kadalasan nagpapakita mula sa puno ng balete. Kilalang hindi agresibo at tahimik.
Ang Kapre (na kilala rin sa tawag na Agta, sa mga Bisaya) ay isang masamang espiritu o halimaw na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Ang mga kapre ay pinaniniwalaang kawangis ng isang lalaki na may kakaibang tangkad dahil na rin sa mahahaba nitong mga binti, mahabang buhok at karaniwang napagkikitang nakaupo sa mga sanga ng malalaking puno habang naninigarilyo. Madalas na nakikita ang kapre na naghihintay ng mga taong daraan upang takutin ang mga ito. Mahilig ang kapre sa paninigarilyo, pag-inom at pagsusugal. Ihinahalintulad rin ito sa “bigfoot” na kilala sa Hilagang Amerika, ngunit mayroon itong katangian na mas malapit sa tao.

Ang salitang kapre ay hinango sa Espanyol na salitang “kapfre”, na dating ginamit bilang katawagan sa mga muslim. Hinango rin ito sa salitang “kaffir” na ginagamit bilang tawag sa taong hindi naniniwala sa Islam. Unang ginamit ng mga Arabo ang katagang kaffir bilang pagtawag sa mga taong hindi naniniwala as Islam at di maglaon ay nadala ang salita as Pilipinas noong dumating ang mga Espanyol na nakasalamuha ang mga nasabing Arabo.

TIRAHAN
Sinasabing nakatira ang mga kapre sa malalaking puno tulad ng balete, acacia, o mangga. Pinaniniwalaang nakikita lamang ang mga ito tuwing gabi, habang nakaupo sa sanga ng puno at hinihithit ang sigarilyong hindi nauubos. Minsan ay maaari rin silang makitang nakaupo sa ilalim ng puno. Marami ang nagsasabing katha lamang ang kapre ng malawak na imahinasyon ng tao, ngunit mayroon na rin na nagsasabi, lalo na sa mga liblib na parte ng mga probinsya na totoo ang mga ito.

ANYO
Ang kapre ay kadalasang inilalarawan na may taas na aabot sa pito hanggang siyam na talampakan, maitim at maraming buhok sa mukha at katawan at nakasuot ng bahag. Mayroon itong malaking mata, matatalas na ngipin, mahahabang kuko at mga binti na kasing-laki ng katawan ng puno.

URI
Tama – Ang uri na ito ng kapre ay kilala sa mga kwento ng mga Manobo. Isa itong higante na umaakit sa mga nais nitong biktimahin. Sinasabing ang mga ito ay nakatira sa puno ng Balete. Apila at Mandayangan – Ang mga uri na ito ng kapre ay pinaniniwalaang mga higante na nilalabanan ang isa't isa ngunit hindi mapanganib sa mga tao. Mangaluk – Isa itong higanteng halimaw sa kagubatan na karaniwang inilalarawan bilang isang nilalang na kawangis ng isang tao, maitim at may mga pakpak at mahahabang kuko.

MGA PANINIWALA
Maraming paniniwala ang mga tao tungkol sa kapre, lalo na ang mga naninirahan sa mga liblib na pook ng mga probinsya. Kabilang na dito ang kaisipang kapag mayroong maliwanag na bagay sa gitna ng kagubatan ay naroon ang kapre. Pinaniniwalaan din naman na mababait ang mga kapre at hindi nananakit ng mga tao kung hindi sila gagambalain o gagawan ng masama. Dapat rin humingi ng pahintulot sa pagdaan sa tabi ng malalaking puno at magsabi ng “tabi tabi po” upang hindi magambala ang kapre.

UGALI
Maraming kwento na ang nagpasalin-salin sa iba't ibang lugar at panahon tungkol sa ginagawa ng mga kapre sa mga tao. Pinaniniwalaang may kakayahan ang kapre na ilipat ang kama ng isang tao habang natutulog ito papunta sa isang sanga ng puno. Mayroon din silang kakayahan na iligaw ang mga tao sa bundok o kagubatan. Ilang mga saksi na rin ang nagsabi na nakakita na sila ng pagyanig ng puno at pagbagsak ng mga dahon kahit walang malakas na hangin. Sinasabi ring mayroong nakakarinig ng pagtawa ng kapre sa mga lugar na malapit sa pinaniniwalaang tinitirahan nito.



Source:
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Kapre  

ANG AKING KAKAMBAL - Mula sa malikhaing panulat ni John Capellan

Nang muli kong makaharap ang aking kakambal, gimbal ako sa sinabi niyang nakatakda akong maaksidente, pagkatapos ng tatlong magkakahiwalay na aksidenteng nangyari sa mga taong malalapit sa akin. At kasabay ng banta sa buhay ko at sa aking pamilya, natuklasan kong ang lahat ng aksidente ay nag-uugnay sa akin at sa lihim na matagal ko nang itinatago.

“Alex,” tawag niya sa akin nang pababa na ako ng hagdan ng ospital. Labis akong namangha nang lingunin ko siya. Kamukhang-kamukha ko! Ang pangangatawan, ang kilos, ang ayos ng buhok, ang pananamit—lahat ay katulad sa akin. Isa lang ang naisip ko. Siya ang kakambal kong inilayo sa akin ni Papa noong maghiwalay sila ni Mama 20 years ago—si Allan.

Matagal ko siyang tinitigan. “Allan?”

Higit kong ikinagulat ang kanyang isinagot, “Mamamatay ka! Maaaksidente ka sa pag-uwi mo!” At pagkasabi niyon ay bigla siyang umalis at lumiko sa kasunod na hallway.

Hindi agad ako nakakilos mula sa landing ng hagdan. Shock ako. Ngayon ko pa lang uli siya nakita pagkatapos ng matagal na panahon, ni hindi pa nga kami nakakapagkumustahan, ganun agad ang kanyang sinabi. Nang makabawi ako sa pagkabigla, ay saka ko lamang siya hinabol. “Allan, sandali!” Sinundan ko siya sa linikuang hallway, hinanap, subalit hindi ko na siya nakita.

Nag-iisip pa rin ako, nang biglang tumawag si Irene—ang asawa ko. Nag-aalala siya. Alas nuwebe na nga naman ng gabi’y wala pa ako sa bahay, gayong hindi naman iyon kalayuan sa opisinang aking pinagtatrabahuhan. Ibinalita rin niyang inatake na naman ng hika si Jayson. Si Jayson ang eight-year-old at nag-iisa naming anak ni Irene. Sinabi kong pauwi na ako, pero hindi ko sinabing nasa ospital ako.

Account executive ako sa isang advertising agency sa Lipa City, Batangas. Pero nandito ako sa San Pablo Doctor’s Hospital dahil dinalaw ko ang kaopisina kong si Michelle, na naaksidente apat na araw pa lang ang nakakaraan. Bumangga sa concrete barrier hanggang sa tumaob ang sinasakyan niyang taxi sa kasagsagan ng Bagyong Falcon. Galing siya no’n sa burol ng kaibigang si Andrea, na naaksidente naman isang linggo pa lang ang nakakalipas. Isa si Andrea sa mga namatay nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nitong bus papuntang Baguio. Habang nakaburol pa sa bahay nila sa Caloocan si Andrea, si Michelle naman ay comatose pa rin sa ospital. At bago umalis doon, nagbilin na ako sa mga nars na tawagan agad ako sa oras na magkamalay si Michelle.
Bagamat nakaalis na sa bansa ang bagyo at ang storm signal sa Batangas ay ibinaba na ng PAGASA, nanatili pa ring maulan ang panahon. Naging sanhi tuloy iyon ng traffic sa ibang lugar na aking dinaanan, bagay na ikinatagal pa ng byahe ko pauwi. Kaya naman nang medyo lumuwag na ang kalsada, pinaharurot ko ang kotseng aking minamaneho. Nasa isip ko pa rin ang sinabi ni Allan. Wierd talaga ang aming muling pagkikita. Biglang nag-ring ang aking cellphone. Nang sagutin ko iyon, isang masamang balita ang aking natanggap. Si Brix—ang kaibigan kong engineer, patay na! Nahulog daw ito kahapon mula sa third floor ng ginagawa nilang building sa Ortigas, nadala sa ospital, pero kanina lang din namatay na.

Sa dilim ng gabi, at sa buhos ng tubig sa aking windshield, at sa sobrang pag-iisip na rin, hindi ko agad napansin ang isang truck na bumulaga sa harapan ko. Bumusina ito ng malakas. Nagulat ako. Nag-overtake kasi ito sa kasalubong kong sasakyan, kaya’t nagkatapat kami sa iisang lane. Nasilaw pa ako sa headlights nito. Magsasalpukan kami! Agad kong kinabig ang manibela sa kanan. Sumampa ako sa gutter, at kung hindi pa ako nakapreno, mababangga ko na ang poste ng ilaw doon. Nang tingnan ko sa side mirror ang truck, nakita kong 10-wheeler pala iyon! Muntik na ako! Sumandal ako at hinayaang makahinga. Dama ko pa rin ang matinding kabog sa dibdib ko.

Mula sa aking pagkakasandal, natanaw ko ang isang fastfood. Nagpasya akong magpainit muna roon. Nagkape ako sa loob at pumuwesto sa may bintanang salamin. Nagsimula nang tumila ang ulan sa labas. Nagsimula na rin akong marelax. Pero hindi ko pa rin maiwasang mag-isip. Ang aksidenteng nangyari kay Brix. Ang kalagayan ni Michelle. Ang pagkikita namin ni Allan. At higit sa lahat, ang kanyang premonisyon! Alam niyang maaaksidente ako, at muntik nang magkatotoo! Natigil ang aking pag-iisip nang biglang mangamoy gas sa loob. Sabay may narinig akong sumigaw, “Lumabas kayo! Sasabog tayo!” Agad nag-panic ang mga tao, nagpulasan palabas. At ako, bago pa lang makakilos sa pagkakaupo, sumambulat na ang bahaging iyon ng kusina. Kasama ang mga basag na salamin, tumilapon ako sa lakas ng impact. Pagbagsak ko, may dugong tumagas sa aking ulo... Hanggang sa wala na akong maramdaman.
Kinabukasan na ako nagkamalay sa private ward ng Lipa City District Hospital. May benda ako sa ulo, at may nakapasak na swero sa aking braso. May sugat din ako sa kanang binti. Naroon sina Irene at Jayson, at ang kapitbahay naming si Aling Tess. Alalang-alala sila sa akin. Nang pansamantalang lumabas ng kwarto sina Jayson at Aling Tess, ikinuwento ko kay Irene ang lahat ng nangyari. Mula sa pagkikita namin ni Allan (bagama’t hindi ko sinabing sa ospital kami nagkita) hanggang sa naganap na pagsabog. At gaya ko, hindi rin siya makapaniwala.

Si Irene ay isang Psychology teacher sa AMA Computer University sa Batangas City. Mahilig siyang magbasa ng mga libro tungkol sa behavior ng tao. At tama ako, isang premonisyon ang sinabi sa akin ni Allan. Ang tanong ay kung bakit nagkaroon siya ng ganoong premonisyon? At kung bakit bigla na lamang siyang nawala kagabi? At parang hindi naman pagbibigay-babala ang kanyang intensyon, kundi panunumbat na dapat na akong mamatay. Alam ni Irene ang tungkol sa aking pamilya. Alam niya noon pa na meron akong kakambal, at si Allan nga iyon. Ten years old lang kami ni Allan nang maghiwalay ang aming mga magulang, dahil sa pambababae ni Papa. Iniuwi ni Papa si Allan sa Mindoro, at wala pang isang buwan, isinama na niya ito sa Australia. Ang huling balita namin, nag-asawa uli siya roon. Ako naman, naiwan kay Mama. Five years ago, nagkasakit at namatay si Mama.
“Paano ka nakakasigurong si Allan ang nakita mo, Alex?” tanong sa akin ni Irene.

“Magkamukhang-magkamukha kami,” sagot ko.
“Pero matagal nang panahon na hindi kayo nagkikita.”
“Hindi ako p’wedeng magkamali, Irene. Siya ‘yon! At galit siya sa akin, gusto niya akong mamatay.”

Naputol lamang ang aming diskusyon nang bumalik na sa kwarto sina Jayson at Aling Tess. Silang dalawa ang naiwang nagbantay sa akin, dahil umalis din si Irene nang hapong iyon. Ipinagpasalamat kong Linggo ngayon at walang pasok si Jayson. Nagkaroon kami ng pagkakataong magbonding na mag-ama. Ngayon lang uli nangyari na magkakwentuhan kami ng matagal dahil sa pagiging busy ko sa “ibang bagay”. Sabay naming pinanuod si Spongebob Squarepants sa TV. At bilang alaala ng bonding na iyon, binigay ko sa kanya ang keychain kong Spongebob. Tuwang-tuwa siya, paborito nya kasi itong cartoon character. Kinumusta ko rin ang kanyang sakit, sabay binigyan ko siya ng tips kung paano ang gagawin sakaling sumpungin uli siya ng hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer,” sabi ko sa kanya, “importanteng lumabas ka sa open area para sa masmaluwag na paghinga.”

Kinailangan ding umuwi nina Aling Tess at Jayson pagsapit ng gabi. Naiwan akong mag-isa. Habang hinihintay kong dumating si Irene, nakatulog ako. Nang madaling araw na, naalimpungatan ako. Alam kong may kasama ako sa kwarto, pero hindi si Irene. Ang kakambal ko! Bigla akong napabalikwas ng bangon. “Allan!”

“Dalawang aksidente ang naligtasan mo. Masamang damo ka nga,” sabi niya sa akin.
“Bakit ka ba nagagalit? Ano ba’ng kasalanan ko sa’yo?” asik ko.
“Sa akin, wala. Pero sa pamilya mo, meron!” Pagkatapos ay lumabas siya ng kwarto. Ngunit dahil sa nakapasak na swero at sumasakit na sugat, hindi ko na siya nagawang sundan.

Pasado alas onse na ng umaga nang payagan akong makalabas ng ospital. May plaster pa ang sugat ko sa noo at sa binti. Ipinayo ng doktor na magpahinga na lang muna ako sa bahay, pero taliwas doon ang aking ginawa. Kumain lang ako at pagkatapos ay pumunta ako sa burol ni Brix sa Mandaluyong. Alas kuwatro na nang hapon ako nakarating. Sinalubong agad ako ni Myrna, ang asawa ni Brix. Umiiyak siya habang ikinukuwento niya ang aksidenteng pagkakahulog ni Brix sa building.

“Paano mo nalaman, Alex?” tanong sa akin ni Myrna nang mahimasmasan.
“Ang alin?” tanong ko.
“Na mamamatay siya.”

Nagulat ako. Wala akong matandaang sinabing gano’n. Hinila ako ni Myrna sa video room ng bahay, at ipinapanuod sa akin ang isang video mula sa CCTV na may Digital Video Recorder. Kuha iyon sa main office nina Brix sa Ortigas isang oras bago siya pumunta sa construction site, kung saan siya naaksidente. At namangha ako nang makita ang aking sarili sa video, kausap ni Brix. Hindi ako makapaniwala. Paanong mangyayari iyon, eh nasa private ward ako ni Michelle during that time? Masyado ring malayo ang Ortigas sa Batangas para ratingin ko ng ganun kadali. Bigla kong naalala si Allan. Ginaya ako ni Allan para sabihin kay Brix ang mangyayaring aksidente? Tatlong beses ko pang inulit ang video. Duda akong may kakaiba sa napapanuod ko. Nasa ganoon akong pag-iisip nang tumawag ang nars mula sa San Pablo Doctor’s Hospital, nagkamalay na raw si Michelle. Nagpaalam na ako kay Myrna na walang malinaw na paliwanag. Nag-iwan na lang ako ng kaunting abuloy. Magulong-magulo ang isip ko habang nagda-drive pabalik ng Batangas. At nagsimula namang pumatak ang ulan.
Gabi na at umuulan pa rin nang dumating ako sa ospital. Ewan ko kung bakit, pero nagsisisigaw si Michelle pagkakita sa akin. Takot na takot. Inalo ko siya, napakalma sa tulong ng mga nars. At nang makausap ko, nagulat na naman ako. Pareho ang kwento niya sa kwento ni Myrna. Nakita rin daw niya ako’t nakausap sa burol ni Andrea noong gabing bago siya naaksidente. Ganoon din ang kwentong itinawag sa kanya ni Andrea bago ito namatay. Nakausap daw ako ni Andrea sa bus terminal at sinabihang maaaksidente ito. Iisa lang ang aming kwento! At lahat ay premonisyon ni Allan! Pero bakit kami? Anong meron sa amin para sa amin mangyari ang mga aksidente? At saka ko natanto ang common denominator nina Andrea, Michelle at Brix. Sila, at silang tatlo lang ang tanging nakakaalam ng aking lihim!

Pumasok ako sa loob ng banyo, at humarap sa malapad na salamin. Parang tumanda ako ng limang taon sa itsura ko. Biglang may nagsalita sa likuran ko, “Ano, Alex? Alam mo na?” Lumingon ako’t nakita si Allan. Muli, may napansin akong kakaiba sa kanya.
Mula sa pagkakaharap ko sa salamin, nilingon ko si Allan. May napansin akong kakaiba sa kanya. At nang magtanong ako, may bahid iyon ng galit, “Ano ba talaga ang kailangan mo?”

“Ikaw, Alex! Gusto kong magbayad ka!” Sumbat niya. “Pero kung hindi ka mamamatay, pwede nang pambayad ang pamilya mo. Tutal hindi mo naman sila kailangan, di ba? Niloloko mo lang sila!”

Hindi na ako nakapagpigil. Sinugod ko siya’t sinakal, “Wag na ‘wag mong pakikialaman ang mag-ina ko!” Subalit sumakit ang mga sugat ko. Unti-unti ko siyang binitiwan. Siya naman, nagsimulang ngumiti. Nakakatakot ang ngiting iyon. Pagkatapos ay humalakhak, habang papalabas ng banyo. Para akong kandilang naupos sa sahig. Walang magawa. Napatingin ako sa labas ng bintana. Unti-unti nang lumalakas ang ulan. Naririnig ko pa rin ang halakhak ni Allan, at ang banta nito sa aking pamilya. Bumalikwas ako nang bangon. Mapapahamak sina Irene at Jayson!

Mabilis akong lumabas ng banyo, at nagpaalam kay Michelle. Tinatakbo ko na ang hallway palabas ng ospital, habang tumatawag sa bahay. Ring lang nang ring ang telepono, walang sumasagot. Walang tao sa bahay! Nasaan sina Irene at Jayson? Tiningnan ko ang oras—alas nuwebe na nang gabi. Kahit malakas ang ulan, sinuong ko ang parking lot. Agad akong sumakay sa kotse ko, at umalis. Tinawagan ko ang cellphone ni Irene. At nang sagutin, nawawala-wala pa ang signal niya.

“I’m sorry, Alex. Hindi na ako nakapagpaalam sa’yo. Nakasakay ako ngayon sa ferry boat pabalik ng Batangas Pier,” sagot ni Irene. Paputol-putol pa ang aming pag-uusap dahil sa hirap ng signal. “Galing ako sa mga relatives ni Papa sa Calapan. Patay na pala si Allan. Nasa Japan siya, at kasamang namatay sa lindol doon noong March 11.”

Natigilan ako. Pansamantalang nalungkot sa masamang balita. Pero higit pa roon, nakakapagtakang nakikita ko’t nakakausap dito si Allan. Nagmumulto ba siya?

“Si Jayson, iniwan ko muna kay Aling Tess,” patuloy ni Irene. “Don’t worry, alam na ni Aling Tess ang gagawin sakaling sumpungin uli siya ng hika.”
Gusto kong magalit kay Irene sa pagpunta niya sa Mindoro. Pero nand’yan na eh, wala na akong magagawa. “Pupuntahan kita d’yan.”
“’Wag na, Alex. Masama ang panahon.” Dinig ko sa cellphone ang ingay ng malakas na hangin at malalaking alon. Sabay nawala na naman ang signal niya. Lalo pa akong kinabahan.

Mabilis ang paharurot ko sa sasakyan, kahit maulan at alam kong  madulas ang kalsada. Importanteng masundo ko si Irene bago pa lang may mangyaring masama sa kanya. Habang nasa daan, tinawagan ko naman si Aling Tess sa bahay nito. Kinumusta ko si Jayson. Pagkatapos ay binilinan ko ang matanda, “’Wag nyo pong palalabasin si Jayson kahit na anong mangyari. Susunduin na lang po namin sya d’yan mamaya.”

10:15 na nang gabi, at malapit na ako sa pier nang biglang tumawag si Irene. Sumisigaw siya, “Alex, lumulubog kami! Lumulubog kami!” Dinig ko ang sigawan ng iba pang pasahero ng ferry boat, may mga nagdadasal at may mga nag-iiyakan. Pagkatapos no’n, tumunog na ang cellphone ko. Lowbat! Nagpanic na ako sa loob ng sasakyan. Nangilid ang luha ko, sabay nagdasal, “Diyos ko, ‘Wag po ang pamilya ko...”

Ilang minuto pa at narating ko ang pier. Nagkakagulo ang mga tao. Mabilis akong bumaba ng sasakyan, hindi alintana ang ulan. Pumuslit ako sa gwardya hanggang makarating ako sa mismong daungan. Mula roon, tanaw ko ang lumulubog na ferry boat. Tatlong motorboat ang nagpapabalik balik para ihatid sa pampang ang mga pasahero. Natataranta kong hinanap si Irene sa karamihan ng mga tao. Ang ibang pasahero’y doon na binigyan ng first aid. Ang iba nama’y dinala sa clinic. Hindi ko pa rin makita si Irene. Muli akong lumabas at tinanaw ang barko. Lubog na sa dagat ang kalahati nito. Naiiyak akong isipin na na-trap si Irene sa loob niyon.

Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Pumasok ako sa administration building ng pier at doon naghanap. Sa isang maliit na private office,  nakita ko si Irene. Bakas sa mukha ang trauma ng aksidente. Binigyan siya ng damit ng isang female crew, at doon nagbihis. “Alex!” agad niya akong niyakap nang mahigpit pagkakita sa akin. “I’m sorry.”

“It’s okay,” bulong ko. “Ang importante, ligtas ka na.”

Glass ang pinto ng opisinang iyon. Mula sa loob, tanaw namin ni Irene ang hallway patungo sa iba pang area ng administration building. At tanaw din namin ang isang pamilyar na lalaking nakatayo sa gitna niyon. Nakangiti. Nakakatakot na ngiti. Si Allan! Si Irene ang dahan-dahang lumapit sa pinto para mapagmasdan siyang mabuti. Kinabahan na naman ako. “Nakikita mo siya?” tanong ko.
Tumango siya. Pagkatapos ay biglang napaurong sa takot. “Tingnan mo siya, Alex.”

“Bakit?” Tumingin ako.
“Wala siyang anino!” sagot ni Irene.

Kasunod niyon, na-realize ko kung ano ang kakaiba sa video na napanuod ko kina Myrna. Wala ring anino si Allan doon habang kausap si Brix. At pati ang kakaiba sa kanya sa banyo ng ward ni Michelle, alam ko na. Wala siyang reflection sa salamin!
Nakita naming tumalikod na si Allan at naglakad na palayo. May naiwan siyang kung anong bagay sa sahig. Halos hindi kami kumukurap. Maliwanag ang hallway kaya sigurado kami—wala talaga siyang anino! Nagmumulto si Allan!

Pero higit pa roon ang naging reaksyon ni Irene, “Oh my God!”

“Bakit?” tanong ko.
“Hindi siya si Allan, Alex!”
Muli akong tumingin. Paano sasabihin ni Irene na hindi siya ang kakambal ko gayong kamukhang kamukha ko siya. “Kung hindi siya si Allan, sino siya?”
“Ikaw!” sagot niya. “Ikaw siya!”
“A-ako?!” Kinilabutan ako.

All this time, hindi pala si Allan ang nakikita ko, kundi ako rin! Ako mismo! Nakikita ko ang sarili kong multo! Biglang dumilim ang buong paligid. Brownout! Nagsigawan ang mga tao sa labas. Napakapit nang mahigpit sa bisig ko si Irene. Sabay na-realize ko kung ano ‘yung naiwan ni “Allan” sa sahig—ang Spongebob keychain na binigay ko kay Jayson! Isang masamang pangitain iyon para sa anak ko!

Nag-brownout pa nang mga sandaling iyon. Kaya sa pamamagitan ng liwanag na nagmumula sa cellphone ni Irene, tinahak namin ang madilim na daan pabalik sa sasakyan. Nagmamadali kaming sumakay at umalis. Nanganganib ang buhay ni Jayson at kailangan namin siyang masundo bago pa mahuli ang lahat. Humina na ang ulan. Madilim sa paligid dahil sa kawalan ng ilaw sa mga poste at kabahayan.

“’Yung nakita natin kanina, anong ibig sabihin non?” tanong ko, habang nagda-drive. Magkatabi kami ni Irene sa sasakyan.

“Doppelganger, Alex,” sagot niya. “Siya ang sarili mo, na naghahatid ng masamang pangitain sa’yo. Si Percy Bysshe Shelley, isang manunulat, namatay siya matapos niyang makita ang kanyang doppelganger sa panaginip. Lumubog ang sinasakyan niyang bangka at nalunod ilang araw bago ang kanyang 30th birthday noong 1822. Si US President Abraham Lincoln, nakita rin ang kanyang doppelganger sa salamin. Namatay siya sa kanyang assassination noong Good Friday nang taong 1865. Kamatayan ang kadalasang hatid ng isang doppelganger, Alex. Kung minsan, hindi lang para sa sarili kundi pati na rin sa mga mahal sa buhay.”

Natakot ako. “I’m sorry, Irene. Kasalanan kong lahat ito.”

Tumingin sa akin si Irene. Nakita ko rin ang takot sa kanyang mga mata.

“Matagal na akong nagtataksil sa’yo, Irene. Apat na taon na kaming may relasyon ni Michelle, at sina Brix at Andrea lang ang nakakaalam. Napahamak din sila nang dahil sa akin,” pumatak ang luha ko. “Tumulad ako kay Papa na hindi napanindigan ang pagiging mabuting ama at asawa. Iyon ang dahilan kung bakit dinadalaw ako ng sarili kong multo. Ngayon, nasa panganib ang buhay ni Jayson, at hindi ko mapaptawad ang sarili ko pag may nangyaring masama sa kanya...”

Matagal bago yumakap sa braso ko si Irene. Pinatawad niya ako. “Hindi pa huli ang lahat, Alex. May panahon pa.”
Biglang nag-ring ang cellphone ni Irene. Si Aling Tess ang tumawag. Nasusunog daw ang bahay nila at na-trap sila ni Jayson sa loob. At para namang nananadya, tumigil ang buhos ng ulan. Lalo ko pang pinabilis ang sasakyan. Pumapatak pa rin ang luha ko, sising-sisi sa mga nangyayari. Sana nga, may panahon pa.

Nasa third alarm na ang sunog nang dumating kami. Halos 70 percent na ng bahay ang natupok, at malakas pa rin ang apoy. Hirap ang mga bumbero na apulahin ito. Taranta na rin ang iba pang kapitbahay. Umiiyak na si Irene. Alam kasi niyang madaling atakehin ng hika si Jayson lalo na’t usok ang nalalanghap nito. May isang oras nang nasusunog ang bahay, at sa pagkakataong ito, kung ‘di man sunog na ang katawan ng bata, malamang mamatay rin ito sa kahirapang huminga. At ‘yon ang hindi ko kayang tanggapin. Kaya naman, sumabay ako sa pagpasok ng tatlong bombero sa nasusunog na bahay. Sa ground floor pa lang, hindi na agad kami magkakitaan dahil sa kapal ng usok. Nagkalat na rin ang mga bumagsak na bahagi ng bahay. Agad kong hinanap si Jayson. Tupok na ang sala at kusina. Ang kwarto sa ibaba ay kasalukuyang nilalamon ng apoy. Kinuha ko ang kumot doon at binasa sa katabing banyo. Naging proteksyon ko iyon sa apoy, pero nagsimula namang dumugo ang sugat ko sa binti.

“Jayson!” tawag ko, sabay akyat sa second floor. Nakakalat na rin doon ang apoy. Pinasok ko ang unang kwarto, nakita kong nakahandusay si Aling Tess, hawak pa sa isang kamay ang cellphone na ginamit niyang pantawag kay Irene. Na-suffocate na siya sa usok.  Isang bumbero ang pumasok doon, at siyang bumuhat sa matanda. Hinanap ko si Jayson sa buong kwarto, subalit wala akong nakita kundi mga nagliliyab na gamit. Nasaan na si Jayson? Paglabas ko ng kwarto, nakaramdam ako ng matinding sakit sa binti. Tumatagas na ang dugo sa sugat ko. Pipilay-pilay akong pumasok sa pangalawang kwarto. Wala rin doon ang bata.

“Jayson....” Unti-unti akong nawalan ng pag-asa. Kung si Alimg Tess, nawalan na ng malay dahil sa kapal ng usok, malamang patay na ngayon ang bata. Umiyak ako habang inaalala ang naging bonding namin sa ospital. Sabay, sumagi sa isip ko ang mga tips ko sa kanya kapag inatake uli ng hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer, importanteng lumabas ka sa open area para sa masmaluwag na paghinga.” Open area! Nasa open area si Jayson!
Kahit duguan na ang binti ko, tumakbo uli ako at naghanap ng open area. Terrace. Balcony. Lanai. Pero wala akong nakita. Minsan ko nang napasok ang bahay na ito, at ang natatandaan kong open area na meron ito ay ang garden at playground sa ibaba.

...At ang roof deck sa itaas! Tama! Nasa roof deck si Jayson! Mabilis kong hinanap ang hagdan paakyat. Pagpanhik ko’y agad din itong bumigay. Wala na akong dadaanan pababa. Sa roof deck, naroon nga ang anak ko! Mahigpit niya akong niyakap. Umiiyak. Sorry ako nang sorry sa kanya. Nang may marinig uli akong bumagsak, doon lang ako parang natauhan. Kailangan na naming makaalis bago pa tuluyang gumuho ang bahay. Sumampa kami sa balustrade ng roof deck, at tumalon sa ibabaw ng bubong. Dahan-dahan kaming tumulay hanggang sa parteng kita na kami ng mga bumbero sa ibaba. Nagsigawan ang mga tao sa labas nang makita kami. Agad ding kumilos ang mga bumbero sa firetruck. Sa pamamagitan ng ladder nito, naibaba kami sa ligtas na lugar. Sinalubong kami ng umiiyak na si Irene.

Madaling araw na nang ideklarang fire out ang sunog, pero halos wala nang natira sa bahay ni Aling Tess. Ipinagpasalamat na lang niya na siya’y nakaligtas rin. Muling ginamot ang sugat ko sa ospital. Pati na ang kalusugan ni Jayson ay tiningnan. Pagkatapos ng ilang araw, gumaling si Michelle. Tinapos ko na ang relasyon sa kanya. Naintindihan naman niya iyon, at siya na rin ang kusang lumayo. Dinalaw ko ang puntod nina Brix at Andrea upang humingi ng tawad. Pansamantala rin akong nag-leave sa aking trabaho para bumawi sa aking mag-ina. Nagbakasyon kami sa Singapore. Mula noon, hindi na nagpakita sa akin ang aking “kakambal”.


DOPPELGANGER. It can be the ghost of a living person or any other sort of physical double. The idea of a doppelganger is sometimes similar to that of an “evil twin”. The doppelganger may be ghostly or appear in the flesh. It causes mischief by confusing friends and relatives. Seeing one’s own doppelganger is considered very bad luck, often heralding death or serious illness of the doppelganger’s original.

THE HUNGARIAN SUICIDAL SONG - "OVERTURE OF DEATH"

Ang awiting ito na pinamagatang "GLOOMY SUNDAY", ayon sa teorya ang sinumang makinig sa kantang ito ay agad na nagpapakamatay. Mahirap paniwalaan, subalit ang mismong kompositor niyo at ang kanyang asawa, at kasama na ang daan-daang tao na nagpakamatay matapos mapakinggan ang musikang ito.

GHOST ENCOUNTER (My True To Life Experience)


Ang karanasan kong ito ay nangyari noong College Student ako, minsang sinundo ko ang gf ko sa house na nirerentahan nila, pagdating ko sabi ng ate nya nagbibihis pa, kc Sunday non magsisimba xa.

Ginawa ko naghintay na lang ako sa labas, then naisip ko na don umupo sa tagiliran ng bahay kalinya ng banyo, na ang tinutumbok eh likod nong bahay na merong isang puno ng palmera.

Nakaupo akong nakatalikod don sa may palmera, ng biglang naramdaman kong parang may tao na nakatingin saken, kaya ako lumingon, nakita ko isang batang babae na nakadamit na parang pang-birthday na nakatingin din saken, saka xa tumago don sa kanto ng bahay, ska lumabas uli pumunta naman sa palmera, saka tumago uli don sa kanto ng bahay, mga limang ulit. Ginawa ko pumunta ako sa likuran nong bahay pero wala akong nakitang batang babae. Nakasara at nakakandado rin ang gate sa likod bahay maging ang pader eh sobrang taas.

Nang tanungin ko mga nakatira sa bahay na yon, wala naman raw batang babae na ganun ang hitsura na katulad ng dinidiscribe ko sa kanila.

Ng makakwentuhan namin ang kapitbahay nila nabanggit ko ang nakita ko, ayon sa kapitbahay nila meron palang batang babae na namatay don sa sakit, ang ang kwarto nya ay don mismo sa parteng likod ng bahay kung saan ko siya nakita.

Ang nakita ko pala ay isang multo ng batang babae na matagal ng namatay...