Nang muli kong makaharap ang aking kakambal, gimbal ako sa
sinabi niyang nakatakda akong maaksidente, pagkatapos ng tatlong
magkakahiwalay na aksidenteng nangyari sa mga taong malalapit sa akin.
At kasabay ng banta sa buhay ko at sa aking pamilya, natuklasan kong ang
lahat ng aksidente ay nag-uugnay sa akin at sa lihim na matagal ko nang
itinatago.
“Alex,” tawag niya sa akin nang pababa na ako ng hagdan ng ospital.
Labis akong namangha nang lingunin ko siya. Kamukhang-kamukha ko! Ang
pangangatawan, ang kilos, ang ayos ng buhok, ang pananamit—lahat ay
katulad sa akin. Isa lang ang naisip ko. Siya ang kakambal kong inilayo
sa akin ni Papa noong maghiwalay sila ni Mama 20 years ago—si Allan.
Matagal ko siyang tinitigan. “Allan?”
Higit kong ikinagulat ang kanyang isinagot, “Mamamatay ka!
Maaaksidente ka sa pag-uwi mo!” At pagkasabi niyon ay bigla siyang
umalis at lumiko sa kasunod na hallway.
Hindi agad ako nakakilos mula sa landing ng hagdan. Shock ako. Ngayon
ko pa lang uli siya nakita pagkatapos ng matagal na panahon, ni hindi
pa nga kami nakakapagkumustahan, ganun agad ang kanyang sinabi. Nang
makabawi ako sa pagkabigla, ay saka ko lamang siya hinabol. “Allan,
sandali!” Sinundan ko siya sa linikuang hallway, hinanap, subalit hindi
ko na siya nakita.
Nag-iisip pa rin ako, nang biglang tumawag si Irene—ang asawa ko.
Nag-aalala siya. Alas nuwebe na nga naman ng gabi’y wala pa ako sa
bahay, gayong hindi naman iyon kalayuan sa opisinang aking
pinagtatrabahuhan. Ibinalita rin niyang inatake na naman ng hika si
Jayson. Si Jayson ang eight-year-old at nag-iisa naming anak ni Irene.
Sinabi kong pauwi na ako, pero hindi ko sinabing nasa ospital ako.
Account executive ako sa isang advertising agency sa Lipa City,
Batangas. Pero nandito ako sa San Pablo Doctor’s Hospital dahil dinalaw
ko ang kaopisina kong si Michelle, na naaksidente apat na araw pa lang
ang nakakaraan. Bumangga sa concrete barrier hanggang sa tumaob ang
sinasakyan niyang taxi sa kasagsagan ng Bagyong Falcon. Galing siya no’n
sa burol ng kaibigang si Andrea, na naaksidente naman isang linggo pa
lang ang nakakalipas. Isa si Andrea sa mga namatay nang mahulog sa
bangin ang sinasakyan nitong bus papuntang Baguio. Habang nakaburol pa
sa bahay nila sa Caloocan si Andrea, si Michelle naman ay comatose pa
rin sa ospital. At bago umalis doon, nagbilin na ako sa mga nars na
tawagan agad ako sa oras na magkamalay si Michelle.
Bagamat nakaalis na sa bansa ang bagyo at ang storm signal sa
Batangas ay ibinaba na ng PAGASA, nanatili pa ring maulan ang panahon.
Naging sanhi tuloy iyon ng traffic sa ibang lugar na aking dinaanan,
bagay na ikinatagal pa ng byahe ko pauwi. Kaya naman nang medyo lumuwag
na ang kalsada, pinaharurot ko ang kotseng aking minamaneho. Nasa isip
ko pa rin ang sinabi ni Allan. Wierd talaga ang aming muling pagkikita.
Biglang nag-ring ang aking cellphone. Nang sagutin ko iyon, isang
masamang balita ang aking natanggap. Si Brix—ang kaibigan kong engineer,
patay na! Nahulog daw ito kahapon mula sa third floor ng ginagawa
nilang building sa Ortigas, nadala sa ospital, pero kanina lang din
namatay na.
Sa dilim ng gabi, at sa buhos ng tubig sa aking windshield, at sa
sobrang pag-iisip na rin, hindi ko agad napansin ang isang truck na
bumulaga sa harapan ko. Bumusina ito ng malakas. Nagulat ako.
Nag-overtake kasi ito sa kasalubong kong sasakyan, kaya’t nagkatapat
kami sa iisang lane. Nasilaw pa ako sa headlights nito. Magsasalpukan
kami! Agad kong kinabig ang manibela sa kanan. Sumampa ako sa gutter, at
kung hindi pa ako nakapreno, mababangga ko na ang poste ng ilaw doon.
Nang tingnan ko sa side mirror ang truck, nakita kong 10-wheeler pala
iyon! Muntik na ako! Sumandal ako at hinayaang makahinga. Dama ko pa rin
ang matinding kabog sa dibdib ko.
Mula sa aking pagkakasandal, natanaw ko ang isang fastfood. Nagpasya
akong magpainit muna roon. Nagkape ako sa loob at pumuwesto sa may
bintanang salamin. Nagsimula nang tumila ang ulan sa labas. Nagsimula na
rin akong marelax. Pero hindi ko pa rin maiwasang mag-isip. Ang
aksidenteng nangyari kay Brix. Ang kalagayan ni Michelle. Ang pagkikita
namin ni Allan. At higit sa lahat, ang kanyang premonisyon! Alam niyang
maaaksidente ako, at muntik nang magkatotoo! Natigil ang aking pag-iisip
nang biglang mangamoy gas sa loob. Sabay may narinig akong sumigaw,
“Lumabas kayo! Sasabog tayo!” Agad nag-panic ang mga tao, nagpulasan
palabas. At ako, bago pa lang makakilos sa pagkakaupo, sumambulat na ang
bahaging iyon ng kusina. Kasama ang mga basag na salamin, tumilapon ako
sa lakas ng impact. Pagbagsak ko, may dugong tumagas sa aking ulo...
Hanggang sa wala na akong maramdaman.
Kinabukasan na ako nagkamalay sa private ward ng Lipa City District
Hospital. May benda ako sa ulo, at may nakapasak na swero sa aking
braso. May sugat din ako sa kanang binti. Naroon sina Irene at Jayson,
at ang kapitbahay naming si Aling Tess. Alalang-alala sila sa akin. Nang
pansamantalang lumabas ng kwarto sina Jayson at Aling Tess, ikinuwento
ko kay Irene ang lahat ng nangyari. Mula sa pagkikita namin ni Allan
(bagama’t hindi ko sinabing sa ospital kami nagkita) hanggang sa naganap
na pagsabog. At gaya ko, hindi rin siya makapaniwala.
Si Irene ay isang Psychology teacher sa AMA Computer University sa
Batangas City. Mahilig siyang magbasa ng mga libro tungkol sa behavior
ng tao. At tama ako, isang premonisyon ang sinabi sa akin ni Allan. Ang
tanong ay kung bakit nagkaroon siya ng ganoong premonisyon? At kung
bakit bigla na lamang siyang nawala kagabi? At parang hindi naman
pagbibigay-babala ang kanyang intensyon, kundi panunumbat na dapat na
akong mamatay. Alam ni Irene ang tungkol sa aking pamilya. Alam niya
noon pa na meron akong kakambal, at si Allan nga iyon. Ten years old
lang kami ni Allan nang maghiwalay ang aming mga magulang, dahil sa
pambababae ni Papa. Iniuwi ni Papa si Allan sa Mindoro, at wala pang
isang buwan, isinama na niya ito sa Australia. Ang huling balita namin,
nag-asawa uli siya roon. Ako naman, naiwan kay Mama. Five years ago,
nagkasakit at namatay si Mama.
“Paano ka nakakasigurong si Allan ang nakita mo, Alex?” tanong sa akin ni Irene.
“Magkamukhang-magkamukha kami,” sagot ko.
“Pero matagal nang panahon na hindi kayo nagkikita.”
“Hindi ako p’wedeng magkamali, Irene. Siya ‘yon! At galit siya sa akin, gusto niya akong mamatay.”
Naputol lamang ang aming diskusyon nang bumalik na sa kwarto sina
Jayson at Aling Tess. Silang dalawa ang naiwang nagbantay sa akin, dahil
umalis din si Irene nang hapong iyon. Ipinagpasalamat kong Linggo
ngayon at walang pasok si Jayson. Nagkaroon kami ng pagkakataong
magbonding na mag-ama. Ngayon lang uli nangyari na magkakwentuhan kami
ng matagal dahil sa pagiging busy ko sa “ibang bagay”. Sabay naming
pinanuod si Spongebob Squarepants sa TV. At bilang alaala ng bonding na
iyon, binigay ko sa kanya ang keychain kong Spongebob. Tuwang-tuwa siya,
paborito nya kasi itong cartoon character. Kinumusta ko rin ang kanyang
sakit, sabay binigyan ko siya ng tips kung paano ang gagawin sakaling
sumpungin uli siya ng hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer,” sabi ko sa
kanya, “importanteng lumabas ka sa open area para sa masmaluwag na
paghinga.”
Kinailangan ding umuwi nina Aling Tess at Jayson pagsapit ng gabi.
Naiwan akong mag-isa. Habang hinihintay kong dumating si Irene,
nakatulog ako. Nang madaling araw na, naalimpungatan ako. Alam kong may
kasama ako sa kwarto, pero hindi si Irene. Ang kakambal ko! Bigla akong
napabalikwas ng bangon. “Allan!”
“Dalawang aksidente ang naligtasan mo. Masamang damo ka nga,” sabi niya sa akin.
“Bakit ka ba nagagalit? Ano ba’ng kasalanan ko sa’yo?” asik ko.
“Sa akin, wala. Pero sa pamilya mo, meron!” Pagkatapos ay lumabas
siya ng kwarto. Ngunit dahil sa nakapasak na swero at sumasakit na
sugat, hindi ko na siya nagawang sundan.
Pasado alas onse na ng umaga nang payagan akong makalabas ng ospital.
May plaster pa ang sugat ko sa noo at sa binti. Ipinayo ng doktor na
magpahinga na lang muna ako sa bahay, pero taliwas doon ang aking
ginawa. Kumain lang ako at pagkatapos ay pumunta ako sa burol ni Brix sa
Mandaluyong. Alas kuwatro na nang hapon ako nakarating. Sinalubong agad
ako ni Myrna, ang asawa ni Brix. Umiiyak siya habang ikinukuwento niya
ang aksidenteng pagkakahulog ni Brix sa building.
“Paano mo nalaman, Alex?” tanong sa akin ni Myrna nang mahimasmasan.
“Ang alin?” tanong ko.
“Na mamamatay siya.”
Nagulat ako. Wala akong matandaang sinabing gano’n. Hinila ako ni
Myrna sa video room ng bahay, at ipinapanuod sa akin ang isang video
mula sa CCTV na may Digital Video Recorder. Kuha iyon sa main office
nina Brix sa Ortigas isang oras bago siya pumunta sa construction site,
kung saan siya naaksidente. At namangha ako nang makita ang aking sarili
sa video, kausap ni Brix. Hindi ako makapaniwala. Paanong mangyayari
iyon, eh nasa private ward ako ni Michelle during that time? Masyado
ring malayo ang Ortigas sa Batangas para ratingin ko ng ganun kadali.
Bigla kong naalala si Allan. Ginaya ako ni Allan para sabihin kay Brix
ang mangyayaring aksidente? Tatlong beses ko pang inulit ang video. Duda
akong may kakaiba sa napapanuod ko. Nasa ganoon akong pag-iisip nang
tumawag ang nars mula sa San Pablo Doctor’s Hospital, nagkamalay na raw
si Michelle. Nagpaalam na ako kay Myrna na walang malinaw na paliwanag.
Nag-iwan na lang ako ng kaunting abuloy. Magulong-magulo ang isip ko
habang nagda-drive pabalik ng Batangas. At nagsimula namang pumatak ang
ulan.
Gabi na at umuulan pa rin nang dumating ako sa ospital. Ewan ko kung
bakit, pero nagsisisigaw si Michelle pagkakita sa akin. Takot na takot.
Inalo ko siya, napakalma sa tulong ng mga nars. At nang makausap ko,
nagulat na naman ako. Pareho ang kwento niya sa kwento ni Myrna. Nakita
rin daw niya ako’t nakausap sa burol ni Andrea noong gabing bago siya
naaksidente. Ganoon din ang kwentong itinawag sa kanya ni Andrea bago
ito namatay. Nakausap daw ako ni Andrea sa bus terminal at sinabihang
maaaksidente ito. Iisa lang ang aming kwento! At lahat ay premonisyon ni
Allan! Pero bakit kami? Anong meron sa amin para sa amin mangyari ang
mga aksidente? At saka ko natanto ang common denominator nina Andrea,
Michelle at Brix. Sila, at silang tatlo lang ang tanging nakakaalam ng
aking lihim!
Pumasok ako sa loob ng banyo, at humarap sa malapad na salamin.
Parang tumanda ako ng limang taon sa itsura ko. Biglang may nagsalita sa
likuran ko, “Ano, Alex? Alam mo na?” Lumingon ako’t nakita si Allan.
Muli, may napansin akong kakaiba sa kanya.
Mula sa pagkakaharap ko sa salamin, nilingon ko si Allan. May
napansin akong kakaiba sa kanya. At nang magtanong ako, may bahid iyon
ng galit, “Ano ba talaga ang kailangan mo?”
“Ikaw, Alex! Gusto kong magbayad ka!” Sumbat niya. “Pero kung hindi
ka mamamatay, pwede nang pambayad ang pamilya mo. Tutal hindi mo naman
sila kailangan, di ba? Niloloko mo lang sila!”
Hindi na ako nakapagpigil. Sinugod ko siya’t sinakal, “Wag na ‘wag
mong pakikialaman ang mag-ina ko!” Subalit sumakit ang mga sugat ko.
Unti-unti ko siyang binitiwan. Siya naman, nagsimulang ngumiti.
Nakakatakot ang ngiting iyon. Pagkatapos ay humalakhak, habang papalabas
ng banyo. Para akong kandilang naupos sa sahig. Walang magawa.
Napatingin ako sa labas ng bintana. Unti-unti nang lumalakas ang ulan.
Naririnig ko pa rin ang halakhak ni Allan, at ang banta nito sa aking
pamilya. Bumalikwas ako nang bangon. Mapapahamak sina Irene at Jayson!
Mabilis akong lumabas ng banyo, at nagpaalam kay Michelle. Tinatakbo
ko na ang hallway palabas ng ospital, habang tumatawag sa bahay. Ring
lang nang ring ang telepono, walang sumasagot. Walang tao sa bahay!
Nasaan sina Irene at Jayson? Tiningnan ko ang oras—alas nuwebe na nang
gabi. Kahit malakas ang ulan, sinuong ko ang parking lot. Agad akong
sumakay sa kotse ko, at umalis. Tinawagan ko ang cellphone ni Irene. At
nang sagutin, nawawala-wala pa ang signal niya.
“I’m sorry, Alex. Hindi na ako nakapagpaalam sa’yo. Nakasakay ako
ngayon sa ferry boat pabalik ng Batangas Pier,” sagot ni Irene.
Paputol-putol pa ang aming pag-uusap dahil sa hirap ng signal. “Galing
ako sa mga relatives ni Papa sa Calapan. Patay na pala si Allan. Nasa
Japan siya, at kasamang namatay sa lindol doon noong March 11.”
Natigilan ako. Pansamantalang nalungkot sa masamang balita. Pero
higit pa roon, nakakapagtakang nakikita ko’t nakakausap dito si Allan.
Nagmumulto ba siya?
“Si Jayson, iniwan ko muna kay Aling Tess,” patuloy ni Irene. “Don’t
worry, alam na ni Aling Tess ang gagawin sakaling sumpungin uli siya ng
hika.”
Gusto kong magalit kay Irene sa pagpunta niya sa Mindoro. Pero nand’yan na eh, wala na akong magagawa. “Pupuntahan kita d’yan.”
“’Wag na, Alex. Masama ang panahon.” Dinig ko sa cellphone ang ingay
ng malakas na hangin at malalaking alon. Sabay nawala na naman ang
signal niya. Lalo pa akong kinabahan.
Mabilis ang paharurot ko sa sasakyan, kahit maulan at alam kong
madulas ang kalsada. Importanteng masundo ko si Irene bago pa lang may
mangyaring masama sa kanya. Habang nasa daan, tinawagan ko naman si
Aling Tess sa bahay nito. Kinumusta ko si Jayson. Pagkatapos ay
binilinan ko ang matanda, “’Wag nyo pong palalabasin si Jayson kahit na
anong mangyari. Susunduin na lang po namin sya d’yan mamaya.”
10:15 na nang gabi, at malapit na ako sa pier nang biglang tumawag si
Irene. Sumisigaw siya, “Alex, lumulubog kami! Lumulubog kami!” Dinig ko
ang sigawan ng iba pang pasahero ng ferry boat, may mga nagdadasal at
may mga nag-iiyakan. Pagkatapos no’n, tumunog na ang cellphone ko.
Lowbat! Nagpanic na ako sa loob ng sasakyan. Nangilid ang luha ko, sabay
nagdasal, “Diyos ko, ‘Wag po ang pamilya ko...”
Ilang minuto pa at narating ko ang pier. Nagkakagulo ang mga tao.
Mabilis akong bumaba ng sasakyan, hindi alintana ang ulan. Pumuslit ako
sa gwardya hanggang makarating ako sa mismong daungan. Mula roon, tanaw
ko ang lumulubog na ferry boat. Tatlong motorboat ang nagpapabalik balik
para ihatid sa pampang ang mga pasahero. Natataranta kong hinanap si
Irene sa karamihan ng mga tao. Ang ibang pasahero’y doon na binigyan ng
first aid. Ang iba nama’y dinala sa clinic. Hindi ko pa rin makita si
Irene. Muli akong lumabas at tinanaw ang barko. Lubog na sa dagat ang
kalahati nito. Naiiyak akong isipin na na-trap si Irene sa loob niyon.
Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Pumasok ako sa administration
building ng pier at doon naghanap. Sa isang maliit na private office,
nakita ko si Irene. Bakas sa mukha ang trauma ng aksidente. Binigyan
siya ng damit ng isang female crew, at doon nagbihis. “Alex!” agad niya
akong niyakap nang mahigpit pagkakita sa akin. “I’m sorry.”
“It’s okay,” bulong ko. “Ang importante, ligtas ka na.”
Glass ang pinto ng opisinang iyon. Mula sa loob, tanaw namin ni Irene
ang hallway patungo sa iba pang area ng administration building. At
tanaw din namin ang isang pamilyar na lalaking nakatayo sa gitna niyon.
Nakangiti. Nakakatakot na ngiti. Si Allan! Si Irene ang dahan-dahang
lumapit sa pinto para mapagmasdan siyang mabuti. Kinabahan na naman ako.
“Nakikita mo siya?” tanong ko.
Tumango siya. Pagkatapos ay biglang napaurong sa takot. “Tingnan mo siya, Alex.”
“Bakit?” Tumingin ako.
“Wala siyang anino!” sagot ni Irene.
Kasunod niyon, na-realize ko kung ano ang kakaiba sa video na
napanuod ko kina Myrna. Wala ring anino si Allan doon habang kausap si
Brix. At pati ang kakaiba sa kanya sa banyo ng ward ni Michelle, alam ko
na. Wala siyang reflection sa salamin!
Nakita naming tumalikod na si Allan at naglakad na palayo. May naiwan
siyang kung anong bagay sa sahig. Halos hindi kami kumukurap. Maliwanag
ang hallway kaya sigurado kami—wala talaga siyang anino! Nagmumulto si
Allan!
Pero higit pa roon ang naging reaksyon ni Irene, “Oh my God!”
“Bakit?” tanong ko.
“Hindi siya si Allan, Alex!”
Muli akong tumingin. Paano sasabihin ni Irene na hindi siya ang
kakambal ko gayong kamukhang kamukha ko siya. “Kung hindi siya si Allan,
sino siya?”
“Ikaw!” sagot niya. “Ikaw siya!”
“A-ako?!” Kinilabutan ako.
All this time, hindi pala si Allan ang nakikita ko, kundi ako rin!
Ako mismo! Nakikita ko ang sarili kong multo! Biglang dumilim ang buong
paligid. Brownout! Nagsigawan ang mga tao sa labas. Napakapit nang
mahigpit sa bisig ko si Irene. Sabay na-realize ko kung ano ‘yung naiwan
ni “Allan” sa sahig—ang Spongebob keychain na binigay ko kay Jayson!
Isang masamang pangitain iyon para sa anak ko!
Nag-brownout pa nang mga sandaling iyon. Kaya sa pamamagitan ng
liwanag na nagmumula sa cellphone ni Irene, tinahak namin ang madilim na
daan pabalik sa sasakyan. Nagmamadali kaming sumakay at umalis.
Nanganganib ang buhay ni Jayson at kailangan namin siyang masundo bago
pa mahuli ang lahat. Humina na ang ulan. Madilim sa paligid dahil sa
kawalan ng ilaw sa mga poste at kabahayan.
“’Yung nakita natin kanina, anong ibig sabihin non?” tanong ko, habang nagda-drive. Magkatabi kami ni Irene sa sasakyan.
“Doppelganger, Alex,” sagot niya. “Siya ang sarili mo, na naghahatid
ng masamang pangitain sa’yo. Si Percy Bysshe Shelley, isang manunulat,
namatay siya matapos niyang makita ang kanyang doppelganger sa
panaginip. Lumubog ang sinasakyan niyang bangka at nalunod ilang araw
bago ang kanyang 30th birthday noong 1822. Si US President Abraham
Lincoln, nakita rin ang kanyang doppelganger sa salamin. Namatay siya sa
kanyang assassination noong Good Friday nang taong 1865. Kamatayan ang
kadalasang hatid ng isang doppelganger, Alex. Kung minsan, hindi lang
para sa sarili kundi pati na rin sa mga mahal sa buhay.”
Natakot ako. “I’m sorry, Irene. Kasalanan kong lahat ito.”
Tumingin sa akin si Irene. Nakita ko rin ang takot sa kanyang mga mata.
“Matagal na akong nagtataksil sa’yo, Irene. Apat na taon na kaming
may relasyon ni Michelle, at sina Brix at Andrea lang ang nakakaalam.
Napahamak din sila nang dahil sa akin,” pumatak ang luha ko. “Tumulad
ako kay Papa na hindi napanindigan ang pagiging mabuting ama at asawa.
Iyon ang dahilan kung bakit dinadalaw ako ng sarili kong multo. Ngayon,
nasa panganib ang buhay ni Jayson, at hindi ko mapaptawad ang sarili ko
pag may nangyaring masama sa kanya...”
Matagal bago yumakap sa braso ko si Irene. Pinatawad niya ako. “Hindi pa huli ang lahat, Alex. May panahon pa.”
Biglang nag-ring ang cellphone ni Irene. Si Aling Tess ang tumawag.
Nasusunog daw ang bahay nila at na-trap sila ni Jayson sa loob. At para
namang nananadya, tumigil ang buhos ng ulan. Lalo ko pang pinabilis ang
sasakyan. Pumapatak pa rin ang luha ko, sising-sisi sa mga nangyayari.
Sana nga, may panahon pa.
Nasa third alarm na ang sunog nang dumating kami. Halos 70 percent na
ng bahay ang natupok, at malakas pa rin ang apoy. Hirap ang mga bumbero
na apulahin ito. Taranta na rin ang iba pang kapitbahay. Umiiyak na si
Irene. Alam kasi niyang madaling atakehin ng hika si Jayson lalo na’t
usok ang nalalanghap nito. May isang oras nang nasusunog ang bahay, at
sa pagkakataong ito, kung ‘di man sunog na ang katawan ng bata, malamang
mamatay rin ito sa kahirapang huminga. At ‘yon ang hindi ko kayang
tanggapin. Kaya naman, sumabay ako sa pagpasok ng tatlong bombero sa
nasusunog na bahay. Sa ground floor pa lang, hindi na agad kami
magkakitaan dahil sa kapal ng usok. Nagkalat na rin ang mga bumagsak na
bahagi ng bahay. Agad kong hinanap si Jayson. Tupok na ang sala at
kusina. Ang kwarto sa ibaba ay kasalukuyang nilalamon ng apoy. Kinuha ko
ang kumot doon at binasa sa katabing banyo. Naging proteksyon ko iyon
sa apoy, pero nagsimula namang dumugo ang sugat ko sa binti.
“Jayson!” tawag ko, sabay akyat sa second floor. Nakakalat na rin
doon ang apoy. Pinasok ko ang unang kwarto, nakita kong nakahandusay si
Aling Tess, hawak pa sa isang kamay ang cellphone na ginamit niyang
pantawag kay Irene. Na-suffocate na siya sa usok. Isang bumbero ang
pumasok doon, at siyang bumuhat sa matanda. Hinanap ko si Jayson sa
buong kwarto, subalit wala akong nakita kundi mga nagliliyab na gamit.
Nasaan na si Jayson? Paglabas ko ng kwarto, nakaramdam ako ng matinding
sakit sa binti. Tumatagas na ang dugo sa sugat ko. Pipilay-pilay akong
pumasok sa pangalawang kwarto. Wala rin doon ang bata.
“Jayson....” Unti-unti akong nawalan ng pag-asa. Kung si Alimg Tess,
nawalan na ng malay dahil sa kapal ng usok, malamang patay na ngayon ang
bata. Umiyak ako habang inaalala ang naging bonding namin sa ospital.
Sabay, sumagi sa isip ko ang mga tips ko sa kanya kapag inatake uli ng
hika. “Bukod sa paggamit ng nebulizer, importanteng lumabas ka sa open
area para sa masmaluwag na paghinga.” Open area! Nasa open area si
Jayson!
Kahit duguan na ang binti ko, tumakbo uli ako at naghanap ng open
area. Terrace. Balcony. Lanai. Pero wala akong nakita. Minsan ko nang
napasok ang bahay na ito, at ang natatandaan kong open area na meron ito
ay ang garden at playground sa ibaba.
...At ang roof deck sa itaas! Tama! Nasa roof deck si Jayson! Mabilis
kong hinanap ang hagdan paakyat. Pagpanhik ko’y agad din itong bumigay.
Wala na akong dadaanan pababa. Sa roof deck, naroon nga ang anak ko!
Mahigpit niya akong niyakap. Umiiyak. Sorry ako nang sorry sa kanya.
Nang may marinig uli akong bumagsak, doon lang ako parang natauhan.
Kailangan na naming makaalis bago pa tuluyang gumuho ang bahay. Sumampa
kami sa balustrade ng roof deck, at tumalon sa ibabaw ng bubong.
Dahan-dahan kaming tumulay hanggang sa parteng kita na kami ng mga
bumbero sa ibaba. Nagsigawan ang mga tao sa labas nang makita kami. Agad
ding kumilos ang mga bumbero sa firetruck. Sa pamamagitan ng ladder
nito, naibaba kami sa ligtas na lugar. Sinalubong kami ng umiiyak na si
Irene.
Madaling araw na nang ideklarang fire out ang sunog, pero halos wala
nang natira sa bahay ni Aling Tess. Ipinagpasalamat na lang niya na
siya’y nakaligtas rin. Muling ginamot ang sugat ko sa ospital. Pati na
ang kalusugan ni Jayson ay tiningnan. Pagkatapos ng ilang araw, gumaling
si Michelle. Tinapos ko na ang relasyon sa kanya. Naintindihan naman
niya iyon, at siya na rin ang kusang lumayo. Dinalaw ko ang puntod nina
Brix at Andrea upang humingi ng tawad. Pansamantala rin akong nag-leave
sa aking trabaho para bumawi sa aking mag-ina. Nagbakasyon kami sa
Singapore. Mula noon, hindi na nagpakita sa akin ang aking “kakambal”.
No comments:
Post a Comment